162 total views
Hindi akmang gawing isang state-witness ang tinaguriang Pork Barrel Queen na si Janet Lim-Napoles.
Ito ang binigyang diin ni Fr. Ranhilio Aquino ng San Beda College Graduate School of Law kaugnay sa ilang panukalang gawing state witness si Napoles sa mga kasong may kinalaman sa Priority Development Assistance Fund o PDAF Scam.
Paliwanag ni Fr. Aquino, may dalawang basehan upang maging isang state-witness ang isang akusado partikular na kung ang kanyang testimonya ay lubos na mahalaga at kakailanganin sa kaso at kung wala rin itong kasalanan o kinalaman sa nasabing kaso.
Sa ganitong konteksto ayon sa Pari, nakapagdududa ang pagsasaalang-alang na gawing testigo si Napoles, lalo’t mayroong sapat na batayan sa nagdaang mga pagliltis upang agad na maipakulong ang sina Senators Juan Ponce Enrile, Ramon ‘Bong’ Revilla at Jinggoy Estrada.
“The requirements for being a state witness are 1, her testimony is indispensable na talagang kinakailangan na magtestigo sya, ikalawa that she does not appear to be the most guilty. In respect to the first requirement, ako ay nagtataka kung bakit pinag-iisipan ngayon kung siya ay magiging state-witness kasi nung finile palang ang kasong ito ay sinasabi na ng Ombudsman na malakas ang kanyang ebidensya so kung malakas ang kanyang ebidensya at pinakulong nga ang tatlong Senados, bakit ngayon na sinasabi na nangangailangan ng state-witness if they will say that, they are admitting that they don’t have enough evidence on hand kaya nga pinapa-discharge sila ang isang akusado at nang ito ay maging state-witness…” ang bahagi ng pahayag ni Fr. Aquino.
Binigyang diin din ni Fr. Aquino na hindi inosente si Napoles sa PDAF scam sa halip ay siya pa ngang naghimok at pasimuno sa katiwalian sa kaban ng bayan.
“As regards to the second she does not appeared to be the most guilty, I also have my problem with that because number 1 you could characterized Mrs. Napoles as a principal by inducement, she may not been the receiver of the bribes, she may not be the receiver of the money but she certainly induce them because she also profited from it. So if she is that high in the order of culpability how can you say that she does not appear to the most guilty…” dagdag pa ni Fr. Aquino.
Matapos ang naging desisyon ng Court of Appeals 12th division sa pagpapawalang sala kay Napoles sa kasong Serious Illegal Detention ay ilang mga panukala rin ang lumabas kaugnay sa pagging state witness ni Napoles sa mga kasong may kinalaman sa PDAF Scam.
November 2013 nang idineklarang unconstitutional ng Korte Suprema ang PDAF nang mabunyag ng 10-bilyong pisong pork barrel scam na kinasasangkutan ni Napoles, 5 Senador, 23-Kongresista at mga opisyal ng gabinete.
Sa inilabas na Pastoral Letter ng Catholic Bishops Conference of the Philippines kaugnay sa PDAF Scam, sinasabing ang bawat isa ay may bahagi sa patuloy na katiwalian sa gobyerno, maging ang hindi pagsasalita o sa pamamagitan ng pakikipagsabwatan.
Nasasaad rin sa liham na nilagdaan ng mga Obispo noong 2013, kinakailangan ng bawat isa na magnilay, panatilihin ang kabutihan ng bawat isa, maging mapagmalasakit at iwaksi ang patuloy na pagkakasala.