558 total views
Mga Kapanalig, naniniwala ba kayong kaya mahirap ang mahihirap dahil tamad sila?
Ito ang tila ipinahihiwatig ni Department of Human Settlements and Urban Development (o DHSUD) Secretary Jerry Acuzar sa kanyang pahayag na hindi kayang bayaran ng mahihirap ang low-cost na pabahay ng gobyerno dahil sila ay tamad. Sinabi niya ito sa budget briefing noong Agosto matapos magkomento ang ilang mambabatas na hindi abot-kaya ang buwanang hulog sa bahay sa mga proyekto sa ilalim ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (o 4PH) Program. Mahal daw ang mga ito kahit may subsidiya mula sa gobyerno. Ang 4PH ay ang programang pabahay ng gobyerno na naglalayong matugunan ang 6.5 milyong housing backlog ng bansa sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang milyong units kada taon sa anim na taong termino ni Pangulong Marcos Jr. Dagdag pa ni Secretary Acuzar, ang papel daw ng DHSUD ay magpatayo ng pabahay: kung “may trabaho, may bahay.” Sa 4PH, siguradong magkakabahay raw ang minimum wage earners.
Giit naman ni Gabriela Representative Arlene Brosas, hindi matutugunan ng 4PH ang pangangailangan sa pabahay ng pinakamahihirap pero hindi ito dahil sa tamad sila. Aniya, may mga kondisyong lalong nagpapahirap sa mahihirap na makamit ang kanilang mga pangangailangan. Dagdag pa ng mambabatas, taong 1989 pa nang huling magkaroon ng malaking pagtaas ng minimum wage at tila barya na lamang ang itinataas ng sahod ngayon. Batay sa datos ng IBON Foundation, ang pinakamalaking pagtaas ng sahod matapos ang 1986 EDSA Revolution ay noong administrasyon pa ni dating Pangulong Corazon Aquino kung saan tumaas ang minimum wage nang 219% o lampas doble pa.
Madalas tayong makarinig ng mga pahayag na katulad ng sinabi ni Secretary Acuzar. “Kailangan lang natin ng sipag at tiyaga upang umasenso buhay.” “Hindi hadlang ang kahirapan sa tagumpay.” O ‘di kaya: “Kasalanan ng mahihirap kaya sila mahirap.” Ngunit sa totoo lang, hindi nakasalalay ang pag-unlad ng tao sa indibidwal na pagsusumikap lamang. Marami at iba’t iba ang mga kondisyong nakaaapekto sa pag-asenso niya. Kabilang sa mga ito ang kalagayan sa buhay, katayuan sa lipunan, at access sa edukasyon at mga oportunidad. Sabi nga ng isang breadwinner na nagtapos sa pag-aaral kamakailan, kung pagsusumikap lang ang kailangan, ang mga mangingisdang gumigising sa madaling araw ay hindi na dapat namomroblema sa pera. Ang mga nanay na binabalanse ang iba’t ibang gawaing-bahay habang tumutulong sa mga bayarin ng pamilya ay dapat nakatatamasa na ng komportableng buhay.
Ang patuloy na paglaganap ng pananaw at paniniwalang sipag at tiyaga lang ang kailangan upang umasenso sa buhay ay nagpapatibay lamang sa mga inequalities o ‘di pagkakapantay-pantay sa lipunan. At madalas, ang nagtutulak sa naratibong ito ay ang mga mayayaman at makapangyarihang nakikinabang sa pagpapanatili ng status quo o kasalukuyang kalagayan ng lipunan kung saan natatamasa nila ang karangyaan dahil nagtitiis sa mababang sahod ang mahihirap. Sa halip na hamunin natin ang mga balangkas ng lipunan na nagdudulot ng kahirapan at nagpapalawak ng agwat sa pagitan ng mayaman at dukha, sinisisi at hinuhusgahan natin ang mahihirap. Ito ay taliwas sa mga panlipunan turo ng Simbahan. Ayon nga kay Pope Francis noong 2021, huwag nating husgahan ang mahihirap sapagkat sila ay kadalasang biktima ng kawalan ng katarungan.
Mga Kapanalig, karapatan ng bawat mamamayan ang magkaroon ng disente at abot-kayang pabahay. At responsabilidad ng gobyernong siguruhing natatamasa ng mga pinalilingkuran nito, lalo na ng mahihirap, ang karapatang ito. Hindi dapat gamiting dahilan ng gobyerno ang diumano’y katamaran ng mahihirap upang pangatwiranan ang pagiging hindi abot-kaya ng programang pabahay nito. Bilang mga lingkod-bayan, huwag sanang tularan ng ating mga opisyales ang “mga namumunong walang malasakit sa kanilang mga nasasakupan at pinababayaan ang mga ito,” gaya ng wika sa Jeremias 23:1.
Sumainyo ang katotohanan.