179 total views
Isang liham pahayag ng CBCP
Minamahal na Bayan ng Diyos,
Labis kaming nababahala, kaming inyong mga Obispo, sa maraming namamatay at pinapatay sa pagsugpo sa ipinagbabawal na gamot o droga. Totoong malaking problema ang droga. Dapat itong sugpuin at pagtagumpayan. Pero ang lunas ay wala sa pagpatay ng mga pinaghihinalaang gumagamit o nagtutulak ng droga. Hindi lang kami nababahala sa mga pinatay. Nakababahala din ang kalagayan ng mga pamilya ng mga nasawi. Mas lalong pinahirapan ang buhay nila. Nakababahala rin ang takot na naghahari sa maraming lugar ng mga mahihirap. Marami ang nasasawi na hindi naman droga ang dahilan. Hindi na napananagot ang mga pumapaslang. Mas lalong nakababahala ang pagiging manhid ng marami sa ganitong katiwalian. Itinuturing na lang na ito ay normal, at ang masama pa ay iniisip ng marami na nararapat lang daw itong gawin.
Nakikiisa kami sa layuning pagbabago na hinahangad ng marami nating mga kababayan. Ngunit ang pagbabago ay dapat gabayan ng katotohanan at katarungan. May mga batayang aral na ating pinaninindigan. Ang mga aral na ito ay nakaugat sa ating pagka-tao, pagka-Pilipino at pagka-Kristiyano:
1. Ang buhay ng bawat tao ay galing sa Diyos. Ito ay kanyang kaloob at Siya lang ang makababawi nito. Kahit ang pamahalaan ay walang karapatan na kumitil ng buhay sapagkat siya ay katiwala lamang ng buhay at hindi ang may-ari nito.
2. Hindi nawawala sa bawat tao ang pagkakataong magbago. Ito ay dahil maawain ang Diyos, katulad ng paulit-ulit na itinuturo ng ating Santo Papa Francisco. Katatapos lamang nating ipagdiwang ang Taon ng Jubileo ng Awa at angWorld Apostolic Congress on Mercy. Ang mga ito ay nagpalalim sa ating kamalayan na ang Panginoong Hesukristo ay nag-alay ng sariling buhay para sa mga makasalanan upang sila ay tubusin at bigyan ng kinabukasan.
3. Ang pagsira ng sariling buhay at ng buhay ng iba ay isang malaking kasalanan at nagdudulot ng kasamaan sa lipunan. Ang paggamit ng droga ay tanda ng pagpapawalang-halaga sa sariling buhay at nagbibigay ng panganib sa buhay ng iba. Dapat pagtulung-tulungan nating lahat na malutas ang problema sa droga at suportahan ang rehabilitasyon ng mga nalulong dito.
4. Ang bawat isa ay may karapatang maturing na walang sala hanggang mapatunayan na siya ay nagkasala. Ang lipunan ay may pamamaraan at proseso upang mahuli, mapatunayan ang kasalanan, at maparusahan ang gumagawa ng krimen. Ang prosesong ito ay dapat sundin, lalo na ng mga alagad ng batas.
5. Ang anumang pagkilos na nakasasama sa iba ay mabigat na kasalanan. Mabigat na kasalanan ang pagtutulak ng droga at mabigat ding kasalanan ang pagpatay. Hindi maitutuwid ang isang masama sa pag-gawa ng isa pang kasamaan. Anumang mabuting layunin ay hindi nagbibigay ng dahilan na gumamit ng masamang paraan. Mabuti ang paglutas sa drug problem ngunit ang pagpatay upang ito ay matamo ay masama.
6. Ang malalim na ugat ng problema ng droga at ng kriminalidad ay ang kahirapan ng nakararaming mga tao, ang pagkasira ng pamilya, at ang korapsyon sa lipunan. Ang nararapat na hakbang na dapat nating gawin ay sugpuin ang kahirapan, lalo na ang pagbibigay ng permanenteng trabaho at sapat na sahod sa mga manggagawa. Palakasin at itaguyod ang pagkakaisa at pagmamahalan ng mga mag-anak. Huwag payagan ang mga batas na lulusaw sa pagkakaisa ng mga pamilya. Dapat ding unahin ang pagtatama at pagtatanggal sa mga tiwaling pulis at korapsyon sa mga hukuman. Ang napakabagal napagsulong ng mga kaso sa hukuman ay isang malaking dahilan ng paglaganap ng kriminalidad at kawawang kalagayan ng mga nasa kulungan. Kadalasan ang mga mahihirap ang nagdurusa sa ganitong sistema.Nananawagan din kami sa mga nahalal na mga politiko na paglingkuran ang pangkalahatang kabutihan ng bayan at hindi ang sariling interes.
7. Ang pagsang-ayon at pagsasawalang-kibo sa kasamaan ay pakikiisa na rito. Kapag pinabayaan natin ang mga nalulong sa droga at nagtutulak nito, tayo ay bahagi na ng drug problem. Kapag sinang-ayunan o pinabayaan natin ang patuloy na pagpatay sa mga itinuturing nalulong sadroga at mga nagtutulak nito, kasama na tayong mananagot sa pagpatay sa kanila.
Tayo sa Simbahan ay magpapatuloy na magsasalita laban sa kasamaan habang kinikilala at pinagsisisihan din natin ang ating mga pagkukulang. Gagawin natin ito kahit na ito ay magdadala ng pag-uusig dahil tayo ay magkakapatid at may pananagutan sa bawat-isa. Tutulong tayo sa mga nalulong sa droga upang sila ay magamot at makapagbagong-buhay. Dadamayan at kakalingain natin ang mga naulila ng mga napatay at ang mga biktima ng mga drug addicts. Pagtitibayin natin ang mga gawain upang patatagin ang mga pamilya.
Pagsusumikapan naming mga namumuno sa Simbahan naisulong at ipagpatuloy pa ang mga programa na makatutulong sa pag-aangat sa kalagayan ng mga mahihirap, tulad ng mga programang pangkabuhayan, edukasyon at pangkalusugan. Higit sa lahat, isasabuhay namin, at nating lahat, ang pagiging tunay na Simbahan ng mga Dukha.
Huwag sanang mamayani sa atin ang takot at pagsasawalang-kibo. Pairalin sana natin hindi lang ang lakas ng loob, kundi ang lakas na dulot ng pananampalatayang Kristiyano. Nangako ang ating Panginoong Jesus: “Magdaranas kayo ng kapighatian sa mundong ito, ngunit tibayan ninyo ang inyong loob! Napagtagumpayan ko na ang sanlibutan.” (Juan 16:33) “Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Cristo? Ang kaguluhan kaya, ang kapighatian, pag-uusig, pagkagutom, kahirapan, panganib, o kamatayan? ….Hindi! Sa lahat ng mga ito, tayo’y magtatagumpay sa pamamagitan niya(ni Cristo) na nagmamahal sa atin.” (Roma 8:35,37) Oo nga, “sapagkat ang Espiritung nasa inyo ay mas makapangyarihan sa espiritung nasa mga makasanlibutan.” (1 Juan 4:4)
Ngayong inaala-ala natin ang ika-Isang Daang Taon ngPagpapakita ng Mahal na Birheng Maria sa Fatima, tumugon tayo sa kanyang panawagan ng panalangin, pagbabalik-loobat penitensiya para sa kapayapaan sa ating mga sambayanan at sa ating bayan na nababalot sa dilim ng bisyo at kamatayan.
Maria, Ina ng Laging Saklolo, ipanalangin mo kami.
Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP)
Ika-30 ng Enero, 2017