438 total views
Iginiit ni environmentalist priest Fr. Pedro Montallana, OFM na maling ibilang ng pamahalaan ang mga katutubo sa red-tag list at akusahang kabilang sa mga makakaliwang grupo.
Ayon kay Fr. Montallana, chairman ng Save Sierra Madre Network Alliance, ang Pilipinas ay demokratikong bansa na malayang ipahayag ang nararapat para sa ikabubuti ng bansa at mamamayan.
“Hindi dapat ‘yun ginagawa ng gobyernong democratic, maliban kung tayo’y nasa under ng China. Pero hindi tayo under ng China, tayo ay hindi komunistang bansa pero ang ginagamit sa atin ay mga style komunista na,” pahayag ni Fr. Montallana sa panayam ng Radio Veritas.
Pagbabahagi ng pari na may mga katutubong nangangalaga sa Sierra Madre ang nakakatanggap ng mga banta dahil sa patuloy na pagtatanggol at pagtutol laban sa proyektong Kaliwa Dam.
“Pareho ng nangyayari sa buong Pilipinas, nire-red tag ngayon ‘yung mga katutubong lumalaban sa dam… Mahirap ‘yun kasi nakakatakot ‘yun e. At the moment sa Pilipinas kapag ika’y na-red tag, ibig sabihin nun parang death sentence na ‘yun e,” ayon kay Fr. Montallana.
Samantala, hinikayat naman ni Fr. Montallana ang mamamayan na patuloy na manindigan sa kung anong tama at nararapat upang mapangalagaan ang kalikasan.
Inihalintulad ito ng pari sa paghihirap na pinagdaanan ng Panginoon na nanindigan upang maipaglaban ang tama para sa katubusan ng kasalanan ng sanlibutan.
“Patuloy tayong manindigan sa nakikitang tama dahilan si Kristo ay pinatay pero binuhay ng Diyos sa kanyang pakikibaka para sa tama. para sa ikabubuhay ng karamihan lalung lalo na’ng mga inaapi,” ayon sa pari.
Magugunitang noong Marso 7, 2021 ay naganap ang tinaguriang Bloody Sunday kung saan nasawi ang siyam na labor leaders na pinaghihinalaang kasapi ng makakaliwang grupo.
Kabilang sa mga nasawi ang dalawang katutubong Dumagat na sina Randy at Puroy dela Cruz na tunay na nakikipaglaban upang mapangalagaan ang Sierra Madre laban sa proyektong Kaliwa Dam.