940 total views
Ito ang nilinaw ni PPCRV National Coordinator Dr. Arwin Serrano kaugnay sa mga programa at gawain na patuloy na ginagawa ng PPCRV bagamat sinuspendi ang nakatakdang halalang pambarangay.
Ayon kay Serrano, tinututukan ng PPCRV ang pagpapalakas sa ugnayan sa iba’t ibang election stakeholders lalu na sa Commission on Election (COMELEC).
Ibinahagi din ni Serrano ang mga programa para sa PPCRV volunteers.
“Yung aming partnership and relationship with COMELEC and other stakeholders palalakasin pa lalo. As early as now mino-mobilized na yung aming mga efforts at saka pinapa-create namin sila ng mga activities para sa ganun hindi natutulog yung PPCRV, matagal pa yung eleksyon mayroong ginagawa ang PPCRV.” pahayag ni Serrano sa Radio Veritas.
Ipinaliwanag ni Serrano na patuloy din ang ginagawang voters empowerment ng PPCRV sa pamamagitan ng voters education bilang tugon sa suliranin ng disinformation, misinformation at proliferation of fake news tuwing panahon ng eleksyon.
Pinapalakas din ng PPCRV ang good governance monitoring upang matiyak ang maayos, matapat at marangal na paglilingkod sa bayan ng mga naihalal na opisyal.
Matatandaang ikalawang linggo ng Oktubre, 2022 ng opisyal na lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang batas na muling magpapaliban sa nakatakdang 2022 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections na una ng itinakda sa ika-5 ng Disyembre ng kasalukuyang taong 2022.
Nasasaad sa Republic Act No. 1-1-9-3-5, ang pagpapaliban ng 2022 Barangay and SK Elections sa huling Lunes ng Oktubre ng susunod na taong 2023 at matapos ang kada tatlong taon.
Unang ikinadismaya ng social action arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang muling pagpapaliban ng halalang pambarangay na maituturing na pagsasawalang bahala sa kahalagahan at tungkuling ginagampanan ng mga opisyal ng barangay sa lipunan.