213 total views
Mga Kapanalig, noong isang linggo, sa botong 38-2, nagpasya ang Committee on Justice sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na iakyat ang kanilang report at ang articles of impeachment sa plenaryo sa paniniwalang may probable cause o dahilan upang patalsikin sa puwesto si Chief Justice Maria Lourdes Sereno. Kung susuportahan ng 1/3 ng mga kongresista ang committee report at ang articles of impeachment, sasampa ang impeachment case sa Senado.
Hindi pa riyan natatapos ang mga hamon sa pinakaunang babaeng Punong Mahistrado ng Pilipinas. Naghain din si Solicitor General Jose Calida ng quo warranto sa Korte Suprema upang kwestyunin ang kwalipikasyon ni CJ Sereno. Kung uusad ang petisyon sa Korte Suprema at mapatutunayang hindi kwalipikado si CJ Sereno, maaari pong mapawalang bisa ang kanyang appointment. May isang grupo naman ng mga abogadong nanawagan ding magbitiw na sa puwesto ang Punong Mahistrado bago pa raw tuluyang masira ang Kataas-taasang Hukuman. Sa pagsasabay-sabay ng mga umaatake kay CJ Sereno, may mga nagsasabing tila sistematiko at pinagtutulungan ng iba’t ibang pwersa ang pagpapatalsik sa kanya. Sa kabila nito, nanindigan si CJ Sereno na hindi siya magpapatinag.
Maliban sa kakainin ng impeachment trial ang oras ng ating mga mambabatas na para sana sa pagbubuo ng mas mahahalagang batas, nakababahala ang lantarang pag-atake sa hudikatura bilang malayang sangay ng pamahalaan, at sa Korte Suprema bilang isang institusyon. Nakalulungkot na kasama sa mga nagpapahina sa hudikatura ang mga inaasahan nating pangangalagaan ang Korte Suprema.
Mga Kapanalig, mahalagang matatag ang ating mga institusyon, lalo na iyong mga nakapaloob sa pamahalaan, dahil sa pamamagitan ng mga ito, natitiyak na ang naisusulong ay ang kagalingan ng lahat o ang “common good.” Kung mahina ang ating mga institusyon at nagagamit ang mga ito para sa personal na agenda at pagkamkam ng kapangyarihan, interes ng iilan at hindi ang kapakanan ng lahat ang umiiral. Sa kaso ng Korte Suprema, na siyang pinakamataas na tagapagpasya sa ating bayan, mahalagang matatag at malaya ito upang maitaguyod ang demokrasya at pananaig ng batas o rule of law. Ngunit sa itinatakbo ng mga pangyayari, nagiging personalan na ang pag-atake sa Punong Mahistrado at nahahaluan na ng pulitika ang isang prosesong ang dapat na matimbang ay ang matibay na ebidensya at matalinong talakayan. Hindi tuloy maiwasang isiping pagkontrol sa mga institusyon ang pangunahing pakay ng mga nais mapatalsik si CJ Sereno.
At kung ganito nga ang nangyayari, nasasalaula sa diwa ng demokrasya. Gaya nga ng sinabi ni Pope Francis sa isang talakayan tungkol sa demokrasya, “Democracy can be nominal. Every political system, if it’s not cared for and maintained, tends to degrade.” Ibig sabihin, kung hahayaan nating pahinain at sirain ng iilan ang mga institusyong tinutuntungan ng ating sistema ng pamamahala, guguho ang demokrasyang nagbibigay sa lahat ng mamamayang magpasya nang malaya.
Paalala pa ni Pope Francis sa isa pang talumpati, “The future of humanity does not lie solely in the hands of great leaders, the great powers and the elites. It is fundamentally in the hands of peoples and in their ability to organize.” Sa wikang Filipino: nakasasalay ang ating kinabukasan hindi sa mga pinuno, sa mga nasa poder, o sa mga may kakayanan sa buhay, kundi sa ating mga kamay, sa ating kakakayahang kumilos nang sama-sama. Samakatuwid, ang pagtiyak na matatag ang ating mga institusyon at demokrasya ay tungkuling nakaatang hindi lamang sa ating mga lider kundi sa ating mga mamamayan.
Mga Kapanalig, nakalulungkot at nakababahala na ang mga nangyayari sa ating pamahalaan, ngunit huwag tayong panghinaan ng loob. Magbasa, makinig, at sumali sa mga usapan tungkol sa isyung kinakaharap hindi lamang ni CJ Sereno kundi ng buong hudikatura, ng ating mga institusyon, ng ating demokrasya.
Sumainyo ang katotohanan.