349 total views
Mga Kapanalig, ipinagdiinang muli ni Pangulong Duterte sa kanyang SONA noong nakaraang linggo ang kanyang paninindigan laban sa mapanirang pagmimina. Babala niya sa industriya ng pagmimina sa bansa, “Do not destroy the Environment or compromise our Resources. Repair what you have mismanaged.” Nagbanta rin siyang magpapatupad ang pamahalaan ng mas istriktong mga patakaran gaya ng pagbabawal sa open-pit mining. Dagdag pa niya, dapat na napakikinabangan ng mga Pilipino, hindi lamang ng iilan, ang anumang yamang mula sa pagmimina.
Ginamit rin niya ang Boracay bilang simbolo ng kapabayaan ng pamahalaan pagdating sa pangangalaga sa kalikasan, kaya’t hindi raw niya papayagang magpatuloy ang pagkasira ng nasabing isla at iba pang lugar. Ipinagmalaki ng pangulo ang pagpapasara sa Boracay sa turismo sa loob ng anim na buwan bilang hudyat ng pagsisikap ng pamahalaan na isalba ang nasirang paraiso. Hinamon niya ang mga lokal na pamahalaang ipatupad ang mga batas-pangkalikasan at huwag nang hintaying ang pambansang pamahalaan pa ang kumilos sa kanilang mga lugar.
Maganda sa pandinig ang mga binitiwang salita ng pangulo tungkol sa pangangalaga sa kalikasan, lalo na sa mga grupong tumututol sa mapanirang uri ng pagmimina. Malaking tulak din ito para sa mga Organisasyong nagsusulong ng mas maayos na paggamit ng lupa o land use. Muli na naman niyang inudyukan ang mga mambabatas na ipasá na ang National Land Use Act o NLUA. Sa isang banda, sinasalamin ng mga pangungusap na ito ni Pangulong Duterte ang pagtutok ng Administrasyon sa kahalagahan ng pangangalaga sa kalikasan laban sa mga mapanirang gawain tulad ng hindi responsableng pagmimina at hindi nababantayang turismo.
Sa kabilang banda, walang sinasabi ang mga pangungusap na ito tungkol sa pagbibigay ng katarungan sa mga biktima ng karahasang ang pangunahing target ay ang mga taong ipinaglalaban ang kalikasan mula sa mga mapanirang industriya at negosyo. Ayon sa International watchdog na Global Witness, ang Pilipinas ang itinuturing na pinakamapanganib na bansa sa Asya para sa mga tagapagtanggol ng kalikasan. Sa unang dalawang taon ng administrasyong Duterte, nakita ang pagtaas ng bilang ng mga pinatay na environmental defenders—mula 28 na kaso noong 2016, umakyat ito sa 48 sa pagtatapos ng 2017. Sa buong mundo, pumangalawa tayo sa Brazil sa listahan ng mga bansang may pinakamaraming kaso ng pinatay na environmental defenders noong nakaraang taon. Sa 48 na kaso sa Pilipinas, 20 ang sinasabing may kaugnayan sa pagtutol ng mga environmental defenders sa agribusiness o mga negosyong nangangamkam ng lupa upang pagtayuan ng plantasyon. Halos 6 sa 10 kaso ay sinasabing kagagawan ng mga sundalo, at mahigit kalahati ng mga kaso ay naganap sa rehiyong pinanggalingan ni Pangulong Duterte, ang Mindanao.
At hindi ito kataka-taka dahil, gaya na rin ng sinabi sa report ng Global Witness, nagaganap ang mga ito sa isang kalagayang walang paggalang sa karapatang pantao ang mismong mga nasa poder. Hindi ito kataka-taka sa isang pamahalaang ang inuuna ay militarisasyon sa kanayunan sa halip na bigyang-proteksyon ang mga mamamayan laban sa mga armadong grupong inuupahan ng malalaking negosyo. Dahil sa pagdami ng napapatay na environmental defenders, nababahiran ng duda ang paninindigan ng Administrasyong Duterte para sa kalikasan. Tayo sa Simbahan ay naniniwalang hindi mapaghihiwalay ang pangangalaga sa kalikasan at ang pagtataguyod ng karapatan sa buhay. Naniniwala tayong magkaugnay ang buhay ng tao at ang kalikasan; ang nakasasamâ sa isa ay nakasasamâ rin sa isa.
Kaya mga Kapanalig, maliban sa pagtiyak ng Administrasyong Duterte na naipatutupad ang mga batas-pangkalikasan, tutukan din sana nito ang paggawad ng katarungan sa mga pinapatay na environmental defenders at ang pagbibigay sa kanila ng proteksyon. Ngunit maasahan kaya natin ito sa isang pamahalaang kumikiling sa karahasan at pinipili lamang ang mga taong kinikilala nitong may karapatang pantao?
Sumainyo ang katotohanan.