221 total views
Ito ang paalala ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga kabataan kaugnay sa nalalapit na halalan sa Mayo sa paglulunsad ng “Special Election Program ng Radio Veritas na SIMBAHAN AT HALALAN 2019: DEBATE NG MGA KABATAANG BOTANTE sa paksang ‘Godly Vote’.
Ayon kay Cardinal Tagle, sa kabila ng limitasyon ng kumikilatis at kinikilatis ay hindi dapat mauwi sa hindi pagboto.
“Yung ating ding mga kinikilatis ay kapwa tao natin may kabutihan, meron ding mga kahinaan ano? Minsan yung pagboto yung pakilatis should be done humbly ha? Yung ano tayo yung mapagpakumbaba na aminin na parang limitado rin yung ating kakayanan sa pagkilatis. Pero hindi yon para balewalain na lang yung pagkilatis sa pamimili na “Ang hirap naman huwag nalang” kung sino nalang kasi minsan ganon yung nagiging attitude,” ayon kay Cardinal Tagle.
Inihayag ni Cardinal Tagle na ang pagboto ay kalayaan at kakayahan ng bawat isa subalit dapat itong ibatay sa pamamagitan ng pagkilala sa katotohanan, karapat-dapat at ayon sa konsensya na makakatulong sa bansa.
“Tingnan na ang record niyan hindi sariling interes kungdi yung common good ikakabuti ng kalahatan. Ikalawa na turo ng simbahan ay ang pagpapahalaga sa dangal ng tao yun “The primacy of the value on the dignity of human life and the human person”. Kaya halimbawa yung mga panukala mga ideya mga isusulong na hindi makakatulong sa pagtataguyod ng karangalan ng buhay at dangal ng tao kanilang pagkatao yan dapat sinusuri, sinusuri yan,” ayon kay Cardinal Tagle.
Sinabi ni Cardinal Tagle na ang “ikatlo sa turo ng simbahan ay ang pagpapahalaga sa iba’t-ibang level ng komunidad na bumubuo ng bayan kasama na ang pamilya at ang neighborhood.
“Ang buhay ng mga dukha? Kasi sila ang pinakamarami sa lipunan. Isang malaking bahagi ng ang kabataan , ang edukasyon, ang labor, ang ekonomiya. So iba’t ibang larangan ng buhay pero ang tutok don ay again-community, common good. Tapos yung ika-apat ay peace and reconciliation yung may kakayahan na magtaguyod ng dialogue sa halip na pag away-awayin ay pagka sundo-sunduin.” paliwanag ni Cardinal Tagle
Kabilang sa mga naging panauhin ng Radio Veritas sa SIMBAHAN AT HALALAN 2019: DEBATE NG MGA KABATAANG BOTANTE sa paksang ‘Godly Vote’ ay sina Cristine Paguiringan ng University of Santo Tomas; Kathrina Mai Beral ng Polytechnic University of the Philippines; Justine Tabilie mula sa University of the Philippines.
Sa tala ng Comelec, mula sa higit 60 milyong registered voters, higit sa 20 milyon ang kabataan mula sa edad-18 hanggang 35 taong gulang ang makikibahagi sa 2019 Midterm elections para punan ang may 18 libong posisyon sa national at local government.
Ang SIMBAHAN AT HALALAN 2019: DEBATE NG MGA KABATAANG BOTANTE ay mapapakinggan sa Radio Veritas at mapapanood sa Veritas846.ph Facebook account tuwing Lunes at Huwebes alas-6 hanggang alas-8 ng umaga.