158 total views
Nanindigan ang dating Solicitor General na hindi maaring arestuhin si Senator Antonio Trillanes IV ng walang ‘Warrant of Arrest’.
Ito ang iginiit ni Atty. Florin Hilbay dating Solgen ng administrasyong Aquino kaugnay sa nakaambang pag-aresto sa Senador matapos ipawalang bisa ng Pangulong Rodrigo Duterte ang amnestiyang iginawad sa dating rebeldeng sundalo.
“Malinaw naman na walang Warrant of Arrest, dahil nadismiss na ang mga kaso sa kaniya (Trillanes). Kung paiisyuhan siya ng bagong warrant sa tingin ko po kailangan labanan ‘yan ni Senator Trillanes dahil meron na rin siyang Certificate of Amnesty ay hindi na siya paisyuhan pa ng Warrant of Arrest,” ayon kay Hilbay.
Dagdag pa ni Hilbay hindi maaring ipag-utos ng Pangulo ang pag-aresto kundi tanging ang hudikatura lamang ang may kapangyarihan para magpa-aresto.
Binigyan diin ni Hilbay hindi rin maaring bawiin ng Pangulong Rodrigo Duterte ang naging desisyong political ng nakalipas na gobyerno partikular na ang paggawad ng kapatawaran sa grupo ni Trillanes.
“Yung instrumento ng Amnestiya ibig sabihin ay pinapatawad na po siya at ‘yung kaniyang grupo sa kung ano man ang kanilang ginawa nung mga nakaraang panahon. Kaya hindi maaring kwestyunin ng bagong Administrasyon ang political na desiyon noong nakaraang Administrasyon,” paliwanag ni Hilbay sa panayam ng Radio Veritas.
Ayon kay Hilbay, nakasaad rin sa Saligang Batas na ang presidente kasama ang kongreso ay maaring magbigay ng amnestiya para kalimutan ang anumang kaso ng ilang grupo.
Si Trillanes kasama ang ilang pang junior officers ay nasangkot sa Oakwood Mutiny noong 2003 at Manila Peninsula Siege na nangyari noong 2007 laban noon kay dating Pangulong Gloria Arroyo.
Laging binibigyan diin sa katuruan ng Simbahan na huling umiiral na kapangyarihan ay ang konsensya ng indibidwal na tao dahil ang immoral na batas ay hindi dapat sundin, kahit pa iutos ng Estado.