1,119 total views
“There is no room for selfishness in time of pandemic”.
Ito ang diwa at tema ng Pondo ng Pinoy para sa ika-16 na taong anibersaryo ng community foundation na itinatag noong taong 2004 ni Manila Archbishop Emeritus Gaudencio Cardinal Rosales na may pilosopiyang “Anumang magaling kahit maliit basta malimit ay patungong langit”.
Ngayong taong 2020 sa gitna ng COVID-19 pandemic, inihayag ni Imus Bishop Reynaldo Evangelista, ang Vice-chairman ng Pondo ng Pinoy Community Foundation Incorporated ang paglulunsad ng programang “Pondo ng Pinoy: Simbolo ng Pag-asa, Pagmamalasakit at Pagdadamayan” sa panahon ng pandemya.
Iginiit ni Bishop Evangelista na hindi maaring i-lockdown ang pagkawanggawa sa mga nangangailangan lalu sa mga apektado ng COVID-19 pandemic.
Ibinahagi ng Obispo na sa kasagsagan ng pandemya ay nagbigay ang Pondo ng Pinoy ng 50-libong pisong cash sa bawat Diyosesis at Arkidiyosesis sa bansa para sa kanilang pagbibigay tulong sa mga naapektuhan ng krisis pangkalusugan.
Lubos ding nagpapasalamat si Bishop Evangelista sa mga Good Samaritan na patuloy na nagbibigay ng tulong at nag-iipon ng munting barya (momo) upang makatulong sa kapwa sa kabila ng pagdaranas ng kahirapan at kawalan ng trabaho.
“Hindi puwedeng i-lockdown ang kawanggawa, bawat araw ay sinisikap ng mga mananampalataya na makatulong sa kapwang nangangailanga. Nakakatuwa at salamat dahil sa nabuong catechesis o kamalayan ay patuloy na nag-iipon ng 25-sentimos para sa Pondo ng Pinoy”.pasasalamat ni Bishop Evangelista.
Ini-ulat ni Bishop Evangelista na noong taong 2018 ay nakalikom ang Pondo ng Pinoy ng 28-milyong piso mula sa naipong “momo” ng mga mananampalataya.
Taong 2019, sinabi ng Obispo na 27-milyong piso din ang naipon ng Pondo ng Pinoy mula sa ibat-ibang parokya at dioceses sa bansa.
Ayon kay Bishop Evangelista, ang nalikom na pondo ay ginamit ng Pondo ng Pinoy sa pagtulong sa mga naapektuhan ng pandemya, Hapag-Asa feeding program sa 200,000 batang malnurished, livelihood programs, health projects at pabahay sa mga dukha.
Muling nanawagan si Bishop Evangelista sa mga mananampalataya na ugaliin ang pag-iipon ng munting “momo” para sa kapwang nangangailangan.
“Kumpletuhin natin ang bawat araw na may kawanggawa sa pamamagitan ng paghuhulog ng 25-sentimos sa alkansiya at ibigay sa mga parokya”.apela ni Bishop Evangelista