1,124 total views
Nanindigan ang grupong IDEALS o Initiative for Dialogue and Empowerment through Alternative Legal Services na hindi maaaring ikulong o parusahan ang mamamayan na tatanggi sa pagpapabakuna.
Gayunman, naniniwala ang grupo na mahalaga na mabakunahan ang mamamayan upang matapos na ang suliranin sa pandemya na mahigit isang taon nang nagpapahirap sa bansa at sa buong mundo.
Sa panayam ng programang Caritas in Action kay Atty. Dondi Justiani ng Ideals Inc., sinabi nito na mayroon tayong karapatan upang tumanggi sa programa na magpabakuna at hindi ito maaring ipilit sa tumatangging mamamayan.
“Nililinaw naman ng gobyerno hindi bawal tumanggi kung ayaw mo ultimately desisyon mo pa din yan although highly encourage of course na magpa vaccinate pero kung ayaw mo talaga hindi ka pwedeng pilitin ng goibyerno pero kung pwede lang sana magpa vaccinate at dahil ang effect nun kung mas marami ma vaccinate mas mabilis matatapos ang pandemic” paliwanag ni Atty. Justiani.
Iginiit din ni Atty. Justiani na hindi maaring maging basis sa pagkakatanggal ng isang empleyado kung siya ay hindi magpapabakuna.
Matatandaang sa kasalukuyan ay binabakunahan na ang mga napapabilang sa A4 Category kung saan napapabilang ang mga mamamayan na kinakailangan lumabas ng trabaho para sa kanilang hanapbuhay.
Kaugnay nito, hinikayat ng IDEALS ang publiko na alamin ang kanilang mga karapatan sa kalusugan.
Aminado si Atty. Justiani na sa kasalukuyan ay kulang pa din ang impormasyon na naibabahagi kaugnay sa mga nasabing karapatan dahilan upang hindi ito mapakinabanggan ng publiko lalo na ng mga mahihirap.
“Maraming programs sa government iba-iba yan una yun individual based ikalawa yun population based gaya ng immunization program yun naman ay makukuha sa mga program ng DOH along with the health benefits and packages na makukuha sa Philhealth. ang DOH ay minamandato din ng batas na i- improve yun health services so they have to come up to different programs.”dagdag pa ng abugado.