378 total views
Ito ang pahayag ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, Vice President ng Catholic Bishops Conference of the Philippines sa pagdiriwang ng kanilang Basic Ecclesial Community Big Day, kasabay ang pagtatapos ng Year of the Clergy and Consecrated Persons at pagbubukas ng Year of the Youth sa Diocese of Kalookan noong ika-17 ng Nobyembre sa Notre Dame of Greater Manila.
Sa pagninilay ng Obispo sa banal na misa, sinabi nitong ang Parokya na isang lumang institusyon ay hindi na epektibo kung naghihintay na lamang ito ng mga mananampalatayang papasok sa simbahan.
Binigyang diin ni Bishop David na ang simbahan ay hindi ang gusali kung saan nagsisimba, dahil ang simbahan ay ang mismong sambayanan na mga alagad ni Kristo.
Dahil dito, sinabi ni Bishop David na mahalaga ang pagbuo ng mga Basic Ecclesial Communities o BEC dahil ang mga munting simbahang ito ang magpapakita na inaalagaan ang mga isinantabi ng lipunan.
“Kung tayo’y isang tunay na Church of the Poor sa ating Diyosesis, aagapay tayo, aalalayan natin ang mga nobodies, ang mga non-entities ang mga walang kwenta sa mata ng lipunan.” pahayag ni Bishop David.
Dahil dito, hinamon ni Bishop David ang mga parokya na kanyang nasasakupan na pagsikapang lalong maging mabuti sa pamamagitan ng pag-abot at pag-agapay sa mga dukha.
Inihayag ng Obispo na sa tulong ng BEC at pagpaparami ng kanilang mga Misson Stations ay mabubuo ang mga “simbahang walang simbahan, simbahan ng sambayanan na maaaring magkatipon kahit walang kapilya, kahit walang gusali, kahit walang isang simbahan.”
Samantala, binigyang diin rin ni Bishop David ang kagalagahan ng mga kabataan sa buhay ng isang parokya.
Hinimok ni Bishop David ang bawat parokya na gawing bahagi ng misyon ng simbahan ang mga kabataan.
“Hindi ako nabibilib sa mga parokyang walang Parish Youth Ministry, dapat hayaan ng simbahan na maging bahagi ang mga kabataan sa misyon ng bawat parokya, at ng mga Basic Ecclesial Communities.” pahayag ng Obispo
Ang Diocese of Kalookan ay mayroong 27 mga parokya at tinatayang 1.3 milyong populasyon ng mga mananampalataya.
Ngayong darating na pagdiriwang ng kapistahan ng Kristong Hari, pormal nang magtatapos ang liturgical year ng simbahan – Year of the Clergy and Consecrated Persons, at magbubukas naman ang bagong taon ng liturhiya – Year of the Youth.