255 total views
Naninindigan ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa pagtutol sa muling pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan elections.
Binigyan diin ni Atty. Rene Sarmiento, national president ng PPCRV hindi na makakabuti ang patuloy na pagkakaantala ng halalan
“Hindi po maganda. Ito nga ay for the 3rd time na at mukhang nagiging past time at habit na ito. Ang isang katangian ng isang demokrasya ay periodic at regular election para mapalitan ang mga hindi nababagay sa panunungkulan at palitan ng mga mahuhusay,” ayon kay Sarmiento.
Taong 2016 nang ipagpaliban ang Barangay at SK elections, at muling ipinagpaliban noong October 2017 nang lagdaan ng pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapalawig ng halalan sa Mayo 2018.
Tiniyak naman ni Sarmiento na patuloy pa rin ang ginagawang paghahanda ng P-P-C-R-V para sa nakatakdang halalan sa Mayo sa kabila ng isinusulong na pagpapaliban ng Mababang Kapulungan.
Higit sa 800,000 voters ang nagparehistro para sa nakatakdang 2018 election ayon sa Commission on Elections habang higit naman sa 40,000 ang bilang ng mga barangay sa buong Pilipinas.
Kabilang din sa isinagawang paghahanda ng PPCRV ang information campaign para sa tamang pagboto, maging ang pagkakaroon ng mga talakayan kaugnay na naman sa usapin ng Federalism.
Layon nito na bigyang kaalaman ang mga botante hinggil sa pederalismo kaugnay na rin sa posibleng pagpapalit ng government system ng bansa mula sa pagiging demokrasya.
Sang-ayon sa panlipunang katuruan ng Simbahan, ang malayang pagpili ng mga kandidato at pagboto ay karapatan ng bawat mamamayan na hindi dapat pigilan at bagkus ay dapat itaguyod at pangalagaan ng pamahalaan.