447 total views
Hindi mababago ang madilim na bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas mula sa kamay ng dating Pangulong Ferdinand Marcos at ng Martial law sa pamamagitan ng pagbibigay pagkilala sa dating diktador ng pamahalaang Duterte.
Ito ang reaksyon ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. kaugnay sa pagpasa sa ikatlo at huling pagbasa sa Kongreso ng House Bill 7137 o ang panukalang nagdedeklara ng ika-11 Setyembre bilang ‘special non-working holiday’ sa lalawigan ng Ilocos Norte bilang pagkilala kay dating Pangulong Marcos.
Ayon sa Obispo, hindi mababago ng papuri at pagkilala ang katotohanan ng pagiging diktador at mapang-abuso sa kapangyarihan ni dating Pangulong Marcos.
Paliwanag pa ni Bishop Bacani, hindi rin nito mababago o maibabalik ang mga ninakaw ng pamilya Marcos sa kaban ng bayan at ang buhay ng mga nasawi sa ilalim ng Batas Militar.
“They may honor Marcos but that does not change the fact that he was a big thief and oppressor. May God have mercy on him,” ayon sa pahayag ni Bishop Bacani sa Radyo Veritas.
Ika-18 ng Nobyembre taong 2016 nang ipatupad din na mailibigng ang dating pangulo Libingan ng mga Bayani 10-araw makalipas na payagan ito ng Korte Suprema o 23 taon makaraang maibalik sa Pilipinas ang mga labi ng dating pangulo nang pumanaw sa Hawaii.
Taong 2017, sa pamamagitan ng Proclamation 310 ay idineklara ni Pangulong Duterte ang ang September 11 bilang special non-working holiday sa Ilocos Norte na kapanganakan ng dating Pangulong Marcos.
Itinuturing na isang madilim na bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas ang 14-na taong Martial Law na ipinatupad ng dating Pangulong Marcos noong taong 1972 kung saan naitala ang mga paglabag sa karapatang pantao bukod sa malaking halaga na nawala sa kaban ng bayan.
Nagtapos ang rehimeng Marcos sa pamamagitan ng EDSA People Power Revolution taong 1986 na nakilala sa iba’t ibang bansa bilang bloodless revolution. Sa ilalim ng Martial Law tinatayang aabot sa higit 3,000 ang sinasabing pinaslang dahil sa hindi pag-sangayon sa patakaran ng Administrasyong Marcos.
Umaabot naman sa higit 75,000 indibidwal mula sa buong bansa ang lumapit sa Human Rights Claims Board na biktima ng iba’t ibang paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng Batas Militar at Rehimeng Marcos.