3,839 total views
Ang Mabuting Balita, 13 Disyembre 2023 – Mateo 11: 28-30
HINDI MAHALAGA
Noong panahong iyon, sinabi ni Jesus: “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagal at nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo’y pagpapahingahin ko. Pasanin ninyo ang aking pamatok, at mag-aral kayo sa akin; ako’y maamo at mababang-loob at makasusumpong kayo ng kapahingahan para sa inyong kaluluwa. Sapagkat maginhawang dalhin ang aking pamatok, at magaan ang pasaning ibibigay ko sa inyo.”
————
Hindi sapat para kay Jesus ang magturo, magpagaling ng maysakit, at magpalayas ng mga demonyo. Itiniyak niya na kahit nakaalis na siya sa mundong ito, makakapunta pa rin tayo sa kanya kapag kailangan nating magpahinga, lalo na sa mga alalahanin at pasanin ng mundong ito. Kapag tayo ay nakikinig sa sinasabi niya sa Bagong Tipan ng Banal na Kasulatan o Bibliya, matatanto natin kung ano ang mga bagay na tunay na mahalaga sa buhay. Matatanto natin na kadalasan, ang sanhi ng “stress” at depresyon ay ang mga alalahanin sa mundong ito na labis na HINDI MAHALAGA sapagkat lahat ito ay pansamantala, at maaaring maging sanhin ng hindi nating pagkamit ng buhay na walang hanggan. Marahil, kung yung mga sumuko sa buhay ay nagkaroon ng pagkakataong makilala si Jesus sa kanyang mga turo at pamumuhay, at nakatagpo ng isa sa atin na gagabay at susuporta sa kanila, buhay pa rin sila ngayon. Kung ang kahulugan ng Simbahan ay maliwanag sa atin at tayo ay kumikilos ayon sa kahulugan nito, malamang, mababawasan ang mga taong sumusuko sa buhay.
Napakapalad natin na mayroon tayong mga ebanghelista na nag “immortalize” ng mga turo at buhay ni Jesus sa BANAL NA KASULATAN. Ang tanging kailangan nating gawin ay ang magbasa hindi lamang sa pamamagitan ng pag-iisip, kundi mas mahalaga, sa pamamagitan ng ating puso.
Salamat Jesus, Anak ng Diyos!