405 total views
Hindi dapat na mawalan ng pag-asa ang taumbayan sa kasalukuyang sitwasyon ng bayan sapagkat ang paghahari ng Diyos ay paghahari ng katarungan, kapayapaan at katotohanan.
Ito ang binibigyang diin ni Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo kaugnay sa kawalan ng pag-asa ng mamamayan dahil sa kawalan ng katarungan at pagsasamantala ng mga makapangyarihan sa bansa.
Ayon sa Obispo na siya ring chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity, sa kabila ng kasinungalingan at karahasan ay tuwinang mananaig ang paghahari ng Diyos laban sa kasamaan.
“Ang paghahari ng Diyos ay ang paghahari ng katarungan, ng kapayapaan, ng katotohanan, at ng pagmamahalan. Kung titingnan natin ang ating kalagayan ngayon, madi-discourage tayo. Ang daming pagsasamantala ng makapangyarihan sa mga tao. Kalat ang pagsisinungaling kasi ang laking pera ang ginagamit para sa mga trolls. Malaki ang ginagastos sa mga armas sa paniniwala na ito ay magdadala ng kapayapaan.” pahayag ni Bishop Pabillo.
Ayon sa Obispo, sa pamamagitan ng simple at maliit na pamamaraan ay mayroong magagawa ang bawat isa upang maisulong ang paghahari ng Diyos laban sa iba’t ibang kinahaharap na suliranin ng bayan.
Pagbabahagi ni Bishop Pabillo, higit na kinakailangan ng Diyos ang pagsisikap at dalisay na layunin upang magsilbing daluyan ng kanyang kapangyarihan at pagkilos upang maitama at maisaayos ang mga nagaganap na kamalian at kasamaan.
“Naniniwala pa ba ang military natin na matatalo nila ang mga rebelde sa pamamamagitan ng armas at red-tagging? Sa ganitong malalaking problema, naiisip natin: may magagawa pa ba tayo para isulong ang kaharian ng Diyos? Saan tayo magsisimula? Magsimula tayo sa maliliit na kaya natin. Wala tayong pera, wala tayong technology, wala tayong mga highly qualified and highly paid people, pero nagsisimula ang pagkilos ng Diyos sa maliliit na pagsisikap natin, lalo na kapag ito ay nilalagay natin sa kamay ng Diyos.” Dagdag pa ni ishop Pabillo.
Giit ng Obispo, hindi dapat matakot sa kasamaan ang sinuman sapagkat kayang palaguin ng kapangyarihan ng Diyos maging ang maliliit at simpleng pagsisikap ng bawat isa na gumawa ng tama at makabubuti para sa mas nakararami.
“So while we are concerned about avoiding sin, we should be more concerned about doing whatever good we can, however small it may be. Mapapalago ito ng Diyos. Kaya huwag tayong matakot sa kasamaan at sa kapangyarihan nito.” Ayon kay Bishop Pabillo.
Partikular na tinukoy ng Obispo bilang halimbawa ang inisyatibo ng mga community pantries na umaabot sa may 6,000 sa iba’t ibang bahagi ng bansa na nagkakaloob ng tulong sa mga mamamayang nangangailangan.