262 total views
Mga Kapanalig, nag-viral sa social media noong nakaraang linggo ang kuwento ng batang si Reymark Mariano. Sa edad na sampu, nag-aararo na siya ng dalawang ektaryang bukirin sa Sultan Kudarat. Ang nakahahabag niyang pahayag, “Maliit pa ako, ganito na ang trabaho ko. Napapagod na po akong mag-araro. Pero sige lang, kakayanin ko para sa pamilya ko.” Sinong may matigas na puso ang hindi mahahabag sa mga salitang ito ng isang musmos?
Dahil hindi na niya kasama ang kanyang ina at ama, katulong si Reymark ng kaniyang lolo sa pag-aararo at pag-aani sa bukid. Batid ng kanyang lolo ang nakakaawang kalagayan ni Reymark. Sa halip na siya ay naglalaro at tinatamasa ang kanyang pagkabata, nagbabanat siya ng buto at minsan pa nga ay nasusugatan ang kanyang murang katawan. Pagkatapos ng paglabas ng kanyang kuwento sa isang programa sa telebisyon, nakatanggap si Reymark at ang kanyang pamilya ng tulong mula sa iba’t iba ahensya ng gobyerno. Binigyan siya ng DSWD ng mga gamit sa pag-aaral at groceries. Mga fertilizer naman ang galing sa Department of Agriculture. Nakatanggap din ng gamot ang kanyang lolo at lola. Ikinatuwa ang mga ito ni Reymark, at nagpasalamat siya sa napakalaking tulong na natanggap nila.
Ngunit hindi nag-iisa si Reymark. Halos isa sa bawat isang sampung batang 5 hanggang 14 na taóng gulang ang kinakailangan nang magbanat ng buto. Karamihan sa kanila ay katulad ni Reymark na nagtatrabaho sa mga bukid. Samantala, apat sa bawat sampung bata naman ay sa sektor ng pagseserbisyo at nagtatrabaho bilang mga kasambahay o nangangalakal. Bagamat pirmado ng pamahalaang Pilipinas ang mga pandaigdigang kasunduan ukol sa pagbibigay-proteksyon sa mga bata laban sa child labor at itinatakda ng ating batas ang 15 taóng gulang bilang pinakamababang edad upang ligal na makapagtrabaho ang isang indibidwal, hindi pa rin naiiwasan ang mga katulad ni Reymark na napipilitang magtrabaho dala na rin ng kahirapan.
Idineklara ng United Nations ang taóng 2021 bilang International Year for the Elimination of Child Labor. Hinihimok nito ang mga bansa sa buong mundo na patatagin ang kanilang mga patakaran at programang layong iwasan at tapusin ang pinakamalalalang anyo ng child labor. Tinatawag din ang pansin ng iba’t ibang sektor, katulad ng business sector at civil society, upang makiisa sa layuning ito. Mahalaga ang panawagang ito lalo na’t mula nang magsimula ang pandemya noong nakaraang taon, dumami ang mga batang napilitang magtrabaho upang tulungan ang mga magulang nilang nawalan ng trabaho. Ayon sa mga pag-aaral, sa bawat isang porsyentong pag-akyat ng kahirapan sa mga bansa, halos isang porsyento rin ang pag-akyat ng bilang mga batang nagtatrabaho.
Ang pagkahabag na ating naramdaman sa kuwento ni Reymark ay nagpapaalala sa ating tayong mga nakatatanda ay tumatayong mga magulang sa bawat batang Pilipino. At sabi nga sa 2 Corinto 12:14, “Ang mga magulang ang dapat mag-impok para sa mga anak, at hindi ang mga anak para sa mga magulang.” Tayong mga nakatatanda ang may responsibilidad na magtrabaho para sa kapakanan ng mga bata. Dagdag pa ni Pope Leo XIII sa kaniyang encyclical na Rerum Novarum, ang trabahong nararapat sa mga nakatatanda ay hindi dapat inaasahan o ipinapasa sa mga bata. Kinakailangan ang ibayong pag-iingat dahil ang kanilang mga katawan at pag-iisip ay nasa estado pa ng pag-unlad.
Mga Kapanalig, hindi nag-iisa si Reymark sa pagpasan sa kalagayang nagtutulak sa mga batang katulad niyang magtrabaho. Para sa mga batang katulad ni Reymark na sa halip na naglalaro at nag-aaral, hindi sapat ang minsanang tulong. Karapat-dapat silang bigyan ng pantay na pagkakataon sa buhay. Huwag nating hayaang nakawin ng kahirapan at maagang pagbabanat ng buto ang pagkabata ng milyun-milyong batang Pilipino.