268 total views
Mga Kapanalig, halos dalawang taon na tayong nakikipagbuno sa pandemya, ngunit hindi naiiba ang panawagan ng marami: gawing accessible ang swab testing at gawing mas agresibo ang contact tracing ngayong patuloy na namang tumataas ang kaso ng Covid-19 sa bansa. Noong Nobyembre hanggang mga unang linggo ng Disyembre ng nakaraang taon, marami ang natuwa dahil bumababa na ang bilang ng mga naitatalang kaso ng Covid-19 sa bansa.
Ngunit habang isinusulat ang editoryal na ito, umabot sa higit 21,000 ang karagdagang kaso ng Covid-19 at 29 na kaso ng Omicron variant. Ang mas nakababahala, sinasabing malaki ang posibilidad na mas mataas ang bilang ng infection rate kaysa sa opisyal na datos dahil maraming Pilipino ang hindi pa rin kayang magbayad ng halagang 1,500 piso hanggang 3,600 piso upang magpa-swab test. Iba pang usapin ang malalayong testing center lalo na sa mga probinsya.
Nagsisimula pa lamang ang pandemya at ang mahigpit na lockdown restrictions, marami nang nananawagan para sa pagsasagawa ng libre at abot-kayang mass testing. Alam na dapat ng kinauukulang ito ang pundasyon sa pagtugon sa Covid-19 at ang dapat na pangunahing pinagtutuunan ng ating pondo. Ayon kay Dr. Joshua San Pedro ng Coalition for People’s Right to Health (o CPRH), bagamat susi rin ang pagbabakuna upang mapigilan ang pagkalat ng virus, sa testing nagsisimula ang iba pang interventions katulad ng contact tracing, quarantine and isolation, at treatment. Sa usapin naman ng contact tracing, marami pa ring pagkukulang upang masabing epektibo ito. Ilan sa mga hamon sa pagpapaigting ng contact tracing sa bansa ay ang kawalan ng pare-parehong data collection tool na ginagamit ng mga lokal na pamahalaan, kakulangan ng contact tracers, at ang hindi epektibong paggamit ng idinisenyong contact tracing application. Magdadalawang taon na ang pandemya, hindi pa rin maayos ang sistema at pagtatalâ ng mga kaso ng Covid-19 sa bansa.
Kamakailan lang, muli na namang iniutos ni Pangulong Duterte na manatili sa loob ng bahay ang mga hindi nabakunahan kontra Covid-19 maliban na lang kung lalabas sila para sa mahahalagang pakay at pagpasok sa trabaho. Aniya, pwede raw arestuhin ng mga pulis at mga opisyal ng barangay ang mga hindi pa bakunado. Sa halip na pagbawalang lumabas at arestuhin ang mga hindi bakunado, hindi ba’t mas naaayong pagbutihin at paigtingin pa ang ang mass testing, contact tracing, at vaccination sa bansa? Hindi pa rin katanggap-tanggap ang sitwasyon natin ngayon lalo na’t nabalot pa ng kontrobersya at alegasyon ng katiwalian ang mga kagawarang dapat nangangasiwa sa kalusugan ng taumbayan. Tandaan natin ang sinasabi sa Lucas 12:48 na “mas marami ang pananagutan ng pinagkatiwalaan ng mas marami.” Sa pagkakataong nakasalalay ang pampublikong kalusugan ng taumbayan, may karapatan tayong papanagutin ang mga taong binigyan natin ng kapangyarihang mamuno.
Mga Kapanalig, kasabay ng disiplina at responsibilidad ng bawat isa ay ang maayos na pangangasiwa ng mga nasa pamahalaan upang tuluyan nating mapagtagumpayan ang laban kontra Covid-19. Matingkad sa mga panlipunang turo ng Simbahan na ang karapatang pangkalusugan ay nagmumula sa pagkakaroon ng malasakit sa dignidad ng tao bilang nilikhang kawangis ng Diyos. Dahil dito mayroon dapat mga kondisyon sa lipunan upang maitaguyod ang dignidad ng mga tao at upang mapaunlad ang bawat indibidwal, komunidad, at lipunan.