2,473 total views
Mga Kapanalig, mababasa natin ang paalalang ito sa Tito 2:7-8: “Sa lahat ng paraan, maging halimbawa ka ng mabuting ugali at maging tapat ka at kagalang-galang sa iyong pagtuturo. Nararapat na pananalita ang lagi mong gamitin upang hindi mapintasan ninuman ang mga sinasabi mo.”
Hindi tumatatak ang mga salitang ito kay dating Pangulong Duterte. Parang tanggap na rin ng marami ang paraan ng pananalita niya mula noon hanggang ngayon—walang preno, walang pakundangan, at walang kaangkupan. Ang nakalulungkot, marami pa rin sa atin ang pumapalakpak at tumatawa pa nga sa kanyang mga sinasabi. Kahit sa mga lider sa ating bayan, ang hinahanap pa rin natin ay entertainment—nakakatawa, nakakaaliw, nakaka-relate.
Sa proclamation rally ng Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan (o PDP-Laban), nagbiro ang dating presidente na may naiisip siyang paraan kung paano mananalo ang kanyang mga manok sa senado. Kailangan daw madagdagan ang mga senador na papalitan. Kailangan daw magkaroon ng mas maraming vacancies. Paano? Patayin daw ang mga nakaupong senador. Kung mapapatay daw ang labinlimang senador, pasók ang kanyang mga kandidato. Nakakaawa raw ang papataying mga senador pero nakakairita naman daw din sila. Kaya kung may pagkakataon, ang paggamit ng bomba ang tatapos sa kanilang buhay. Tumawa ang mga nakikinig sa panibagong “biro” ng dating presidente.
Sa ating mga tren dito sa Metro Manila, kapag nagbiro tayong may bomba sa ating bag, huli agad ang kaparusahan. Ganito rin sa mga paliparan natin. Ang mga bomb jokes at bomb threats ay may kaukulang parusa. Sa ilalim ng Presidential Decree 1727, dapat magbayad ng hanggang ₱40,000 ang mapatutunayang nagbitiw ng bomb joke o bomb threat. Maaari ding makulong ng hanggang sa limang taon ang gagawa nito. Ilang beses na tayong nakakarinig sa balita ng mga kababayan nating hinuli, ikinulong, at pinagmulta dahil sa ganitong mga hindi nakakatawang biro.
May kaparusahan din para sa mga taong pinagbabantaan ang buhay ng iba. Hindi naman masasabing grave threat ang mga salitang binitawan ni dating Pangulong Duterte dahil hindi naman siya seryoso nang sabihin ang mga ito. Para matawag na grave threat ang pagbabanta sa buhay ng iba, dapat mapatunayan ang tinatawag na serious intent ng nagbitiw nito at talagang may potensyal na isakatuparan ang banta. Makalulusot at makalulusot talaga ang dating presidente dahil joke lang naman daw ang kanyang mga sinasabi.
Pero maging seryoso naman sana ang ating mga lider dahil inaasahan natin silang magsilbing halimbawa ng pagiging mabuti, matino, at disenteng mamamayan. Hindi natin maidadaan sa biro ang mga problema ng bayan. Hindi natin dapat gawing laro lamang ang pulitika dahil kapakanan ng taumbayan ang nakataya. Hindi lamang entertainment ang larangan ng paglilingkod-bayan.
May kasabihan ngang “when you elect clowns, expect a circus!” Huwag tayong umasang magkakaroon tayo ng matino at malinis na gobyerno kung ang mga nagpapatakbo nito ay mga taong hanggang salita na nga lang, marumi at bastos pa ang kanilang sinasabi. Huwag tayong maghahanap ng disenteng gobyerno kung pinapalakpakan at sinusuportahan natin ang mga pulitikong hindi binabantayan ang kanilang bibig. Mananatiling marumi ang ating pulitika kung iluluklok natin ang mga pulitikong ginagawa lamang itong laro, biro, at larangan para magkaroon ng kapangyarihan at impluwensya.
Ikinalulungkot din ni Pope Francis ang hindi magandang reputasyon ng pulitika ngayon. Pero hindi natin makakamit ang tinatawag niyang “universal fraternity”—o pagkakapatiran—kung walang “good politics”, kung walang matinong pulitika.
Mga Kapanalig, kung hindi na nga gumagamit ng “nararapat na pananalita” ang mga pulitiko—o kumakampi sila sa mga lider na may ganitong katangian—huwag tayong aasa sa kanila ng matinong pamamahala. Kaya sa darating na eleksyon, iboto ang mga karapat-dapat, hindi lamang sa gawa—kahit pati sa pananalita.
Sumainyo ang katotohanan.