171 total views
We do not forget, and we will not forget!
Sa mga salitang iyan, mga Kapanalig, tinapos ng ating mga obispo ang kanilang pahayag sa naging desisyon ng Korte Suprema noong nakaraang taon na nagpahintulot sa paglilibing sa diktador na si Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani. At eksaktong isang taon noong Sabado, Nobyembre 18, palihim na inihimlay ang diktador sa lugar na laan para sa mga bayani ng ating bayan. Isa ito sa mga unang accomplishments ni Pangulong Duterte na umaming idolo niya ang diktador.
Bago pa man pumayag ang Korte Suprema na ilibing si Marcos sa Libingan ng mga Bayani, naging sunud-sunod ang mga pagkilos ng iba’t ibang grupo, kabilang ang mga kabataan, upang ipakita ang pagtutol, hindi lamang sa kontrobersyal na desisyon ng Korte Suprema, kundi sa tinatawag na “historical revisionism.” Historical revisionism ang tawag sa pagbubura sa mga totoong pangyayari sa ating kasaysayan, gaya ng pagsasabing walang kinalaman ang rehimeng Marcos sa malawakang paglabag sa karapatang pantao noong panahon ng martial law.
Hindi nakalilimot ang taumbayan. Hindi rin nakalilimot ang Simbahan, lalo na’t sa lente ng Catholic social teaching, salungat sa mga prinsipyong pinanghahawakan natin ang kilalaning “bayani” ang isang pinunong nilapastangan ang dangal ng mga mamamayan ng kanyang bansa.
Sa paglibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani, mistulang niyurakan na rin ang dignidad ng tao dahil ginawa nitong lehitimo ang napakaraming paglabag sa karapatang pantao—lalo na ang karapatang mabuhay—sa ilalim ng Martial Law.
Sa paglibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani, mistulang inilibing din ang tunay na katotohanan, ang katotohanang maraming dinakip, ikinulong, at pinapatay sa mga pumuna sa mga maling ginagawa ng mga pinuno ng bansa.
Sa paglibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani, nawalan ng bigat ang halaga ng tunay na katarungan, dahil mistulang itinuwid nito ang malawakang pangungurakot at pagnanakaw sa kaban ng bayan ng pamilya Marcos at mga cronies nito. Pinakamalinaw na halimbawa ito ng tinatawag na “culture of impunity” o ang hindi pagpapanagot sa mga taong may malaking paglabag sa ating mga batas.
Sa paglibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani, muling nabuksan ang mga sugat sa puso ng mga indibidwal at pamilyang biktima ng karahasan sa ilalim ng dalawang dekadang pagkapit sa kapangyarihan ni Marcos. Ibinalik nito ang hapis sa mga maralitang nagdusa sa ilalim ng isang rehimeng kumampi sa mga mayayaman. Isinantabi nito ang sakripisyo ng lahat ng nagbuwis ng buhay para sa demokrasya.
Sa paglibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani, mistulang naging “normal” ang paggamit ng estado ng dahas, dahas na kumitil ng maraming buhay noon, at nagpapatuloy pa rin hanggang ngayon.
Sa paglibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani, ginawang katanggap-tanggap ang paglalagay ng kapangyarihan sa kamay ng iisang tao sa halip na ibigay ito sa taumbayan. Binalewala ang tagumpay ng mga kilusan ng mga mamamayang nagpatalsik sa isang mapanupil na rehimen sa mapayapang paraan.
Mga Kapanalig, taliwas sa paniwala ni Pangulong Duterte at ng mga katulad niyang tinitingala si Marcos, hindi nahilom—bagkus ay lumalim pa—ang sugat ng ating bayan sa paglibig sa isang diktador sa Libingan ng mga Bayani. Maaaring sabihin ng administrasyong natuldukan na ang isyung ito, at marami pang mas mahahalagang isyu ang dapat pagtuunan ng pansin ngayon. Ngunit may mga kaakibat na panganib ang paglibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani, at naaaninag natin ito sa mga pahayag at patakarang isinusulong ng kasalukuyang administrasyon—mga pahayag at patakarang walang pagkilala sa kahalagahan ng buhay ng tao, sa proseso ng batas, at sa makahulugang pakikilahok ng mamamayan sa pamamahala. Lahat ng ito’y nagpapahiwatig ng isang diktadura.
Huwag tayong makalilimot, mga Kapanalig.
Sumainyo ang katotohanan.