410 total views
Ito ang mensahe ni Military Ordinariate of the Philippines Bishop Oscar Jaime Florencio para sa mga taong nakararanas ng depresyon dulot ng pandemyang Coronavirus Disease.
Ayon kay Bishop Florencio, ang pagkakaroon o pagkakahawa sa COVID-19 ay hindi dahilan upang mawalan ng pag-asa sa buhay.
Ipinaliwanag ng Obispo na sa halip na isiping walang patutunguhan ang lahat ng mga ginagawa natin sa buhay ay dapat pa itong maging dahilan nang pagiging positibo.
“Madapuan man tayo [o] mahawa man tayo ng COVID-19, mayroon tayong mapupuntahan. Hindi lahat ng mga bagay na ginagawa natin [ay] para bang walang silbi. Because at the end, kahit ngayon hindi tayo gumaling, okay lang, that’s fine. Pero nandoon pa rin yung perspective na pwede pala ako magkaroon ng ganitong buhay. Hindi natatapos doon sa COVID ang buhay natin. Ang buhay natin ay mananatili siya sa Panginoon kasi mula siya sa Panginoon, babalik siya sa Panginoon.”,mensahe ni Bishop Florencio sa panayam ng Radyo Veritas.
Inihayag ng Obispo na dahil sa sobrang takot bunsod ng nararanasang krisis ngayon ay nawawala na sa tamang pag-iisip ang isang tao at kapag hindi naiwasan ay humahantong ito sa depresyon o mas malala pa—ang magpatiwakal.
“Along the way, ito yung trabaho natin na manatili at palaging ipinaaalala sa kanila, kasi minsan ang tao ay nandoon na sa punto na natatakot ay talagang nawawala na sa kanilang pag-iisip”, ayon sa Obispo.
Ngayong buwan ay ipinagdiriwang ang National Suicide Prevention and Awareness Month.
Batay sa tala ng National Center for Mental Health (NCMH), aabot lamang sa 33 ang suicide-related calls mula noong Enero hanggang Marso ngayong taon, ngunit nadagdagan ito at umabot na sa 115 tawag noong Hulyo.
Maliban dito, ipinakita naman sa Social Weather Station survey noong Hulyo na 84 porsyento ng mga Filipino ay nakararanas ng stress dahil sa COVID-19 pandemic.