202 total views
Hinihikayat ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mga hindi pa bakunado na makiisa sa vaccination program ng pamahalaan.
Sa video message ni CBCP-Social Communications Ministry Chairman at Boac Bishop Marcelino Antonio Maralit, bagamat nagpositibo sa COVID-19 ay hinihikayat nito ang publiko na makibahagi sa Bayanihan Bakunahan – National Vaccination Days.
“Kapag kayo po ay nakiisa sa vaccination program, hindi lamang po ninyo tinutulungan ang sarili ninyo, tinutulungan po ninyo ang lipunan natin. At dahil dito, tayo po’y nakikiisa din sa mga biyayang bigay sa atin ng Diyos,” ayon kay Bishop Maralit.
Si Bishop Maralit ay kasalukuyang nakakaranas ng mild symptoms ng COVID-19 at patuloy na nagpapagaling sa ospital sa Lucena, Quezon.
Giit ng opisyal ng CBCP na malaking tulong ang pagpapabakuna dahil nababawasan ang posibilidad ng malalang epekto ng virus sa katawan.
“Sa palagay ko po kung hindi ako na-vaccine or na-vaccinate ay baka hindi lang ho [ito] ang dinaanan ko,” saad ng obispo.
Samantala, nagpapasalamat naman ang obispo sa mga medical frontliners na patuloy na nagbibigay ng lunas para sa kanyang agarang paggaling.
“Malaking pasasalamat ko po sa lahat ng mga doktor, mga frontline workers natin, mga health workers na kung hindi dahil sa kanila ay hindi ko alam kung anong klaseng COVID ang aking kinaharap,” ayon kay Bishop Maralit.
Batay sa huling tala, nasa 2.5 milyong Pilipino na ang kasalukuyang bilang ng mga nabakunahan sa isinasagawang vaccination days.
Nilalayon ng pamahalaan na mabukanahan ang nasa 9 na milyong Pilipino sa three-day vaccination drive na nagsimula noong November 29 at magtatagal hanggang December 1, 2021.