303 total views
Mga Kapanalig, natatandaan pa ba ninyo ang mga panahong nagkukumahog ang ating bansa sa paghahanap ng bakuna laban sa COVID-19?
Isa nga ang Pilipinas sa mga developing countries kung saan tila ba napakailap ng pagdating ng mga bakunang kailangan upang proteksyunan ang populasyon laban sa COVID. Pinuná noon ang mistulang pagkamkam ng mayayamang bansa sa mga bakuna. Habang naghihintay ang mga maliliit na bansang mahatiran ng bakuna, nag-aalok na sila sa kanilang mga mamamayan ng second at third boosters. Nagkaroon pa nga noon ng COVAX, isang global initiative na magdadala ng bakuna sa maliliit na bansang katulad ng Pilipinas, ngunit ilang beses din itong nagkulang sa mga supply dahil sa pagkontrol ng malalaking bansa.
Habang isinusulat natin ang editoryal na ito, nasa 68% na ng ating populasyon ang fully vaccinated na o nakatanggap na ng dalawang doses. Katumbas ito ng 73.6 milyong Pilipino. Milyun-milyon na rin ang nabigyan ng booster dose, ngunit mukhang matumal ang pamamahagi ng nito. Nasa 20.8 milyon lamang ang nakatanggap ng kanilang unang booster.
Ang resulta? Mahigit 31 milyong vaccine doses na nagkakahalaga ng 15.6 bilyong piso ang naaksaya. Sa bilang na ito, 24 milyon ang na-expire dahil hindi naipamahagi bago matapos ang shelf life ng mga ito. Pitong milyon naman ang hindi na maaaring gamitin dahil nainitan na sila, habang may mga bakuna namang hindi pa nabubuksan o nagagamit. Dagdag pa ng Department of Health, karamihan ng mga nasayang na bakuna ay binili ng pribadong sektor at mga lokal na pamahalaan.
Ang pag-aatubiling magpabakuna o vaccine hesitancy ang itinuturong dahilan ng pagkasayang ng mga bakuna. Ngayong halos balik na tayo sa tinatawag na old normal kung saan boluntaryo na lang ang pagsusuot ng face masks, marami na nga ang kampante. Hindi na napapansin ang bilang ng mga nagpopositibo sa COVID. Hindi na napagtutuunan ng atensyon ng publiko ang mga namamatay dahil sa sakit na ito. Parang wala na ngang COVID.
Hindi lamang ang mga eksperto ang nagpapaalala sa atin tungkol sa kahalagahan ng pagpapabakuna. Maging si Pope Francis, tinawag na “moral obligation” nating mga Kristiyano ang pagpapabakuna laban sa COVID. Isa nga raw itong “act of love”—isang gawain ng pag-ibig—dahil isinasaalang-alang natin hindi lamang ang ating kaligtasan kundi ang kaligtasan din ng ating kapwa. Templo ng Espiritu Santo ang ating katawan, wika nga sa 1 Corinto 6:19, ngunit bilang mga Kristiyano, tinatawag din tayong isipin ang ikabubuti ng ating komunidad. Dagdag ng Santo Papa, hindi man daw lubusang mapoproteksyunan ng bakuna ang ating katawan laban sa COVID, ito ang pinakamakatwirang paraan upang hindi na lumaganap pa ang sakit na ito.
Samantala, dapat pang palakasin ng gobyerno ang kampanya nito sa pagpapabakuna. Kung ang nakikita nitong dahilan ay ang pag-aatubili ng mga tao, kailangan itong tugunan sa pamamagitan ng malawakan at masigasig na paghahatid ng tama at tapat na impormasyon. Hindi kasi nakasasabay ang kampanya para sa pagpapabakuna sa mga hakbang na ginagawa ng pamahalaan upang buksan at pasiglahin ang ating ekonomiya. Aanhin natin ang masiglang ekonomiya kung marami naman ang lantad sa sakit?
Magkakaroon muli ng tinatawag na “Bakunahang Bayan” ang DOH ngayong Disyembre. Tatakbo ito sa loob ng dalawang araw, at sana ay mas marami sa atin ang makapagpabakuna. Mahalaga ito lalo na’t lumalamig na ang panahon na nagdadala ng mga sakit na maituturing na sintomas ng COVID. Nagpapasalamat tayo sa Panginoon dahil mas kakaunti na ang tinatamaan ng sakit na ito, ngunit panahon lang ang makapagsasabi kung kailan lubusang mawawala ang COVID.
Mga Kapanalig, muli, ang pagpapabakuna, ani Pope Francis, ay isang simple ngunit makahulugang pagpapamalas ng malasakit sa isa’t isa. Huwag nating sayangin ang biyaya ng bakuna.