7 total views
Binatikos ng mambabatas sa Mababang Kapulungan ang hindi pagdalo ng mga inanyayahang resource person sa pagdinig ng House Tri-Committee kaugnay sa paglaganap ng cybercrimes at fake news sa Pilipinas.
Sa panayam ng programang Veritas Pilipinas, dismayado si Manila Sixth District Representative Bienvenido “Benny” Abante Junior, na sa 40 resource person na inimbitahan ng House Tri-Committee ay tatlong indibidwal lamang ang dumalo sa pagdinig.
“Alam naman po nila na ito pong hearing na ito ay ginaganap po namin para magkaroon tayo ng mga ilang batas na ititigil na po itong mga fake news na ito. Alam po nila na kapag sila ang nag-attend ay medyo… sila po ang mare-rebuke, ika nga,” ayon kay Abante.
Nanindigan ang mambabatas na layunin ng pagdinig ng tatlong kumite ng kapulungan na binubuo ng House Committees on Public Order and Safety; Public Information; at Information and Communications Technology na lumikha ng batas upang maiwasan at maiwaksi ang paglaganap ng mga maling impormasyon sa Pilipinas.
“Alam po naman natin na ang freedom of speech ay hindi isang absolute na freedom, na pwede mo nang sabihin ang mga gusto mo lang sabihin. Hindi po iyon eh, kahit na slanderous ‘yan o libelous po ‘yan ay pwede mo nang sabihin sa media at pagkatapos ay sisigaw ka ng freedom of speech,” dagdag pa ni Abante sa programang Veritas Pilipinas.
Naniniwala rin si Abante na kinakailangang ma-limitahan ang paggamit ng social media upang mabawasan din ang pagkalat ng mga fake news, misinformation at disinformation sa bansa na karaniwang lumalaganap sa social networking sites.
Sa mga ulat, kabilang sa mga inanyayahan sa pagdinig ang ilang “Pro-Duterte” bloggers at vloggers, gayundin ang ilang dating opisyal ng pamahalaan tulad nina dating National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) officers Lorraine Badoy at Jeffrey Celiz, at dating Press Secretary ng Pangulong Ferdinand Marcos Junior na si Trixie Cruz-Angeles.
Dahil dito, isinulong ng mga mambabatas ng House Tri-Comm ang paglalathala ng show cause order upang padaluhin ang mga inimbitahang indibidwal na dumalo sa susunod na pagdinig.
Sinabi pa ni Abante na walang dapat ikatakot ang mga inimbitahang resource person at hinimok na igalang ang kapangyarihan ng Kongreso na ang layunin ay imbestigahan ang mga pangyayari sa bansa upang bigyang-impormasyon ang mamamayan sa usapin ng fake news.
Una nang naglathala ng Pastoral Exhortation ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) upang labanan ang paglaganap ng fake news noong 2017 at hinimok ang mga mananampalataya na iwasan ang pakikibahagi sa pagpapakalat ng mga maling impormasyon na itinuturing bilang ‘sins against charity’.
– Kenneth Corbilla