849 total views
Mga Kapanalig, “inequality is the root of social evil.” Sa Filipino: ang hindi pagkakapantay-pantay ang ugat ng kasamaang panlipunan.
Mga salita iyan ni Pope Francis noong 2014 na higit na matingkad ngayon sa ating bayan sa gitna ng nagpapatuloy pa ring pandemya ng COVID-19. Kitang-kita naman natin kung gaano katindi ang hirap na patuloy na pinagdaraanan ng mga kababayan nating nawalan ng hanapbuhay. Bagamat unti-unti na ngang nagbabalik ang ilang negosyo, nananatili pa ring malaki ang bilang ng mga walang trabaho sa ating bansa. Nasa 8.7% ang unemployment rate sa huling pagtataya ng pamahalaan; katumbas ito ng 3.8 milyong Pilipino. Dagdag pasanin pa sa mga mahihirap ang mataas na presyo ng mga bilihin at pamasahe.
Sa tindi ng pinagdaraanan natin ngayon, hindi natin masisisi ang ilan nating kababayang dumiskarte para lamang may maidagdag sa gastusin ng kanilang pamilya. Nakalulungkot nga lamang na dahil pa rin sa umiiral na community quarantine, hindi pinahihintulutan ng pamahalaan ang ilang gawain kahit pa ang simpleng paglalakô sa lansangan. Kinukumpiska ang mga panindang nakalatag sa mga bangketa o nakaharang sa daan. At may mga pagkakataon pang dahas ang ginagamit ng awtoridad upang ipatupad ang mga patakarang nagbabawal sa mga itinuturing na sagabal sa lansangan. Nakita ninyo marahil ang video kung saan isang tindero sa Parañaque ang pinadapa, hinawakan ang leeg at mga paa, ipinosas, at sinipa sa mukha dahil pinipigilan niya ang mga nagpapatupad ng clearing operations na makuha ang kanyang kariton. Agad na pinagmumulta, pinarurusahan, at minsan at hinuhuli pa sa kaunting paglabag.
Ngunit mukhang ibang usapin na kapag mga mayayaman at mga nasa poder ang hindi sumusunod sa mga patakaran. Pinapayagan silang lumabas at mag-party o magbakasyon nang walang suot na mask, at mag-mass gathering nang walang physical distancing. Katwiran nila, sumailalim naman sila sa swab test at tiniyak na negatibo silang lahat bago magkasiyahan. (Alam kaya nilang kulang na kulang pa rin ang kapasidad natin sa pagsasagawa ng swab testing? Alam kaya nila kung gaano kahirap para sa mahihirap na magpa-swab test—na hinihingi sa ilang nagbabalik-trabaho—dahil hindi nila ito kayang bayaran?)
Kapag nahuli naman ang mga mayaman at maimpluwensya na lumalabag sa mga health protocols, mabilis nilang ikakatwirang “tao lang” sila at nagkakamali. Ang iba naman, nagpapalusot na ang pagpa-party nila ay nakatutulong sa turismo ng lugar na pinagdausan nila ng kasiyahan. Binibigyan pa sila ng pagkakataong ibigay ang kanilang panig at mapag-usapan ang paglabag na kanilang ginawa.
Isa itong halimbawa ng hindi pagkakapantay-pantay sa ating lipunan ngayong pandemya. Ito ang tunay na social distancing, ang malawak na agwat sa pagitan ng mayaman at mahirap. Ang mahihirap, lumalabas ng kanilang tahanan dahil kailangan nila—kailangan nilang maghanapbuhay upang mapakain ang kanilang pamilya. Ang mayayaman, lumalabas dahil gusto lang nila—lumalabas sila upang magkaroon ng maluhong bakasyon o party, at maipagpatuloy ang kanilang marangyang pamumuhay.
Ang nakalulungkot, ang pamahalaang dapat na nagpapatupad ng batas nang patas, mukhang may pagkiling sa mga ‘ika nga’y nakatataas sa lipunan. Nagiging instrumento sila ng hindi pagkakapantay-pantay, at samakatuwid, ginagatungan nila ang kasamaan sa ating lipunan—ang “social evil”, sabi nga ni Pope Francis.
Mga Kapanalig, ang ginagawang ito ng pamahalaan ay para bang nahahawig sa babala sa Santiago 2:1-4 tungkol sa pagtatangi: “Kung may pumasok sa inyong kapulungan na isang lalaking may mga singsing na ginto at nakadamit nang magara, at dumating din doon ang isang dukha na gusgusin ang damit, at inasikaso ninyong mabuti ang nakadamit nang magara at sinabi sa kanya, ‘Dito kayo maupo,’ at sinabi naman ninyo sa mahirap, ‘Tumayo ka na lang diyan,’ o kaya’y, ‘Sa sahig ka na lang umupo,’ nagtatangi na kayo at humahatol nang mali.”