418 total views
Ikinadismaya ni Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo ang hindi pagpapatigil ng Pangulong Rodrigo Duterte sa operasyon ng mga Online-Sabong (E-Sabong).
Ito ay kasunod ng pahayag ng punong ehekutibo na nakakabuti at kailangan ng pamahalaan ang nasisingil na bilyong piso na halaga mula sa mga operasyon ng E-Sabong.
Ayon sa Obispo, hindi tama ang dahilan ng pangulo dahil ipinapakita nito na tanging “PERA” ang kapalit ng buhay ng mamamayan na nalululong sa pagsusugal.
Sinabi ng Obispo na mas pinahalagahan ng Pangulong Duterte ang pera kaysa sa buhay ng nawawalang mahigit sa 30-indibidwal na inuugnay sa online sabong.
“Yung reasoning ng ating pangulo ay hindi maganda, lumalabas na pera lang ang konsiderasyon. Basta may pera o kaya dadating ang isang activity na maaring magkaroon ng masamang epekto sa buhay, yun nga dapat sana itigil muna yon at imbestigahan nasaan yung tatlumput isa na nawawala, ano yung mga ill-effect nito sa buhay ng tao na maraming nalululong. Hindi dapat pera ang unang konsiderasyon, ang unang konsiderasyon ay kabutihan ng tao. Ang ganyang reasoning ay mali, pinagbibili natin ang ating bayan dahil lamang sa pera. Kaya dapat pag-aralan ng maayos at talagang hindi tiyakin kung ito’y nakakatulong ba sa moralidad ng tao o hindi,” ayon sa panayam ng Radio Veritas sa Obispo.
Iginiit ni Bishop Pabillo na dapat isaalang-alang ng pamahalaan ang ikabubuti ng mamamayan sa pamamagitan ng pagpapatigil ng operasyon at pagkakaroon ng masusing pag-aaral sa tunay na epekto ng Online Sabong.
Naninindigan ang Obispo na kailanma’y hindi makakabuti sa mamamayan at pamilya ang anumang uri ng sugal dahil nagdudulot ito ng epekto na kapareho ng pagkalulong sa ilegal na droga.
“Matagal ng paninindigan ng simbahan yan, na ang sugal ay hindi nakakatulong- nakakasira sa karakter ng tao nakakasira sa maraming pamilya, nagiging dahilan ng korapsyon at ganun din ng pang-aabuso sa kapwa tao kaya in general ang lahat ng gambling ay masama, hindi lang entertainment yaan ay habbit na tulad ng pagdo-droga yan ay masama, nakakasira ng buhay ng tao, nakakasira ng pamilya at nagugulo ang karakter ng isang tao,” ayon pa sa Obispo.
Ipinanalangin din ni Bishop Pabillo na unahin ng mga lider ng Pilipinas ang kapakanan ng mamamayan kasabay ng panghihimok sa bawat isa na ipinalangin rin na ipag-adya ng Panginoon ang kanilang kapwa mula sa pagkalulong sa masamang bisyo.
Hinimok din ng Obispo ang mamamayan na ipagdarasal na ligtas ang mga nawawalang indibidwal at kapayapaan ng isip ng mga pamilyang nag-aalala sa mga nawawala.
“Ang prayer po natin sa Panginoon na dapat yung mga leaders natin ay talagang bigyan ng halaga ang kapakanan ng tao, tapos ipagdasal din po natin ang mga kababayan natin na sana hindi sila malulong sa anumang klaseng bisyo. Sana po itong mga nawawala ay matagpuan na at ipagdasal natin ang mga pamilya na nag-aalala na sana po sila ay maging matatag at hindi mawalan ng pag-asa,” panawagan ni Bishop Pabillo.
Una ng isinulong sa Senado ang pagpapatigil ng operasyon ng online-sabong na binara ng pangulong Duterte.