238 total views
Ikinadismaya ng Ecowaste Coalition ang dami ng mga basurang tumambad sa kanilang grupo sa paglilibot nito sa mga pangunahing pasyalan at pamilihan sa Metro Manila.
Ayon kay Aileen Lucero – National Coordinator ng grupo, labis na nakalulungkot na hindi tunay na naipapatupad ng pamahalaan ang RA 9003 o Ecological Solidwaste Management Act dahil sa kabila ng maraming mga paaalala hinggil sa pagiging masinop ay nagkalat parin ang mga basura sa buong kamaynilaan.
Dagdag pa ni Lucero, nakalulungkot din na sa kabila ng Proclamation 760 s. 2014 na nagtatalaga sa buwan ng Enero bilang Zero Waste Month ay taun-taon namang sumasalubong sa mga tao ang tambak ng mga basura.
“Nakakalungkot dahil ang January ay considered as zero waste month dahil sa Proclamation 760, hindi nakakatuwa kasi January tapos ang bubungad sa atin ay basura.” Pahayag ni Lucero sa Radyo Veritas.
Dahil dito, nanawagan si Lucero sa mamamayan at sa mga nagtitinda sa mga pasyalan at pamilihan sa iba’t-ibang bahagi ng bansa na maging masinop at magkaroon ng pakialam sa kanilang kapaligiran.
Sinabi ni Lucero na hindi dapat iasa ng mga tao sa kolektor ng mga basura ang paglilinis ng mga lansangan dahil ang bawat mamamayan ay maytungkulin sa bayan at sa Diyos na tumulong sa pagpapanatili ng kaayusan ng kapaligiran.
“Sana yung mga nandito sa divisoria o sa mga markets mahalaga na sila rin ay [maging masinop] hindi yung mga nagtitinda ay itatapon nalang o kaya ay ikakalat nalang, syempre ang bawat isa ay may responsibilidad hindi lang yung ganun na ipapasa nila dahil meron namang mga dump trucks, hindi po ganun, dapat merong responsibilidad para pangalagaan yung kalikasan.” Dagdag pa ni Lucero.
Sa unang pagtataya ng Metro Manila Development Authority aabot sa 48 mga truck ng basura ang nahakot mula sa ilang pasyalan sa Metro Manila habang nakapagtala naman ng 45 truck ng basurang nahakot mula sa Divisoria.
Sa bahagi ng Simbahan muling ipinaalala ang mahalagang panawagan ng Kanyang Kabanalan Francisco sa Encyclical nitong Laudato Si na iwaksi ang throw-away culture o pagiging maaksaya na dahilan ng pagdami ng kalat sa buong daigdig.