237 total views
Mga Kapanalig, isang hindi matapus-tapos na hamon sa ating bansa ay ang patuloy na kahirapan. Maaaring sumasapat noon ang kinikita sa araw-araw ng maraming manggagawa, ngunit paglipas ng mga buwan ay hindi na. Isa itong indikasyon ng tinatawag na inflation—ang pagtaas ng presyo ng bilihin sa paglipas ng panahon.
Kamakailan ay inilabas ng Philippine Statistics Authority (o PSA) ang ulat nitong nagsasabing pumalo na sa 6.1 percent ang inflation rate noong Hunyo mula sa 5.4 percent noong Mayo. Ngunit hindi sang-ayon sa estadistikang ito ang bagong upong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Aniya “…I will have to disagree with that number. We are not that high”.
Tuwing unang linggo ng buwan ay naglalabas ng ulat ang PSA tungkol sa inflation rate sa ating bansa batay sa consumer price index (o CPI). Ang CPI ang nagpapakita ng average o karaniwang presyo ng mga bilihing kinokonsumo ng mga pamilya. Tugon ng PSA sa naging reaksyon ng bagong pangulo, paninindigan daw nila ang nilalaman ng kanilang ulat. Paliwanag naman ni Department of Finance Secretary Benjamin Diokno, na-misunderstood lamang raw ang reaksyon ng pangulo. Ang tinutukoy daw nitong “not that high” ay ang full-year figure o inflation rate para sa buong taon mula Enero hanggang Hunyo na nasa 4.4%, at hindi ang inflation rate para lamang sa buwan ng Hunyo. Dagdag pa ni Secretary Diokno, hindi lang naman daw Pilipinas ang nakararanas ng mataas na inflation sa buong mundo. Sa Indonesia, nasa 4.4% ang inflation rate habang 7.7% sa Thailand.
Maaaring para sa mga nasa tuktok at maginhawa ang pamumuhay, ang mga pigurang ito ay manageable pa o mapagtitiisan pa. Ngunit para sa mga nasa ibaba at laylayan, ibang kuwento ang ibig sabihin ng mataas na inflation rate. Kasabay ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin ay ang paghina naman ng purchasing power ng piso. Ayon nga kay National Statistician Dennis Mapa, ang halaga ng isang piso ngayon ay nasa 87 sentimos na lamang. Sa madaling salita, ang dating 800-pisong pamalengke na nakakabili ng mga bigas at ulam ay magkukulang na dahil isang libong piso na ang kakailanganin ngayon upang mabili ang parehas na mga bilihin at pagkain. Maaaring kung dati ay tatlong kilong bigas kasama ang mga ulam ang magkakasya dito, maaaring mabawasan ito at maging dalawang kilo na lamang ang mabili nito. Ganito ang epekto ng mataas na inflation rate sa mga karaniwang Pilipino.
Sabi nga ni Pope Francis sa Laudato Si’, malaki ang pagkakautang o social debt natin sa mahihirap at walang access sa mga batayang serbisyo dahil sila ang pinagkakaitan natin ng karapatang mabuhay nang may dignidad. “They are denied the right to a life consistent with their inalienable dignity,” sabi ng Santo Papa. Ngunit siguro nga’y hindi madali maramdaman ang hirap kung ikaw ay nasa tuktok, kung hindi mo ramdam ang pagtaas ng bilihin at mga serbisyo. Higit sa reaksyon ng pangulong hindi pinaniwalaan ang estadistika, mas kailangan ng pagkilala sa paghihirap na nararanasan ng mga pamilya at paghanap ng solusyon sa problemang kinakaharap nila.
Mga Kapanalig, sabi nga sa Hagai 1:6, “Marami na kayong naihasik ngunit kaunti lamang ang inyong ani.” Kahit gaano katindi magbanat ng buto sa araw-araw sina Juan at Juana para sa kanilang pamilya, hindi pa rin ito sasapat kung hindi naman sasabay ang sahod sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Maaaring hindi maiwasan ang mabilis na inflation, ngunit maaari itong panatilihin sa antas na kakayanin at hindi magdurusa ang mga Pilipinong hindi tumataas ang sahod. Nawa’y madama ng mga nasa itaas ang hirap ng mga nasa ibaba.