357 total views
Mga Kapanalig, muling naging kontrobersyal si dating Undersecretary Lorraine Badoy, tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (o NTF-ELCAC). Dahil ito sa pagbabanta at pag-red tag niya kay Manila Regional Trial Court Judge Marlo Magdoza-Malagar. Kamakailan, naglabas ng desisyon si Judge Magdoza-Malagar laban sa petisyon ng Department of Justice (o DOJ) na ituring na teroristang grupo ang Communist Party of the Philippines (o CPP) at New People’s Army (NPA). Para sa hukom, hindi sapat ang ebidensyang inihain ng DOJ upang ituring na terorista ang CPP at NPA.
Labis na ikinadismaya ni ex-Usec Badoy ang naging desisyon ni Judge Magdoza-Malagar. Aniya, ipinagtatanggol daw ng hukom ang CPP at NPA dahil kakampi at kaibigan siya ng mga grupong ito. Sa burado na niyang Facebook post, sinabi niyang kung papatayin niya ang hukom dala ng kanyang paniniwalang lahat ng kakampi at kaibigan ng CPP at NPA ay dapat patayin, maging maluwag sa kanya ang mga tao. Dagdag pa niya, pasasabugin daw nila ang opisina ng mga hukom na itinuturing nilang tiwali at kaibigan ng mga teroristang grupo, kahit pa lumuhod sila at magmakaawa para sa kanilang buhay. Nakalulungkot ang mga bantang ito mula sa anak ng isang dating Sandiganbayan justice.
Naalarma ang maraming grupo sa pahayag ni ex-Usec Badoy. Noong isang linggo, naglabas ng babala ang Korte Suprema sa mga nag-uudyok ng karahasan laban sa mga hukom at kanilang pamilya sa pamamagitan ng social media. Anila, maaari itong maituring na contempt o paghamak sa korte. Para sa National Union of Peoples’ Lawyers, ang mga nakababahalang pahayag laban kay Judge Magdoza-Malagar at iba pang miyembro ng hudikatura ay hindi maituturing na patas at batay sa makatwirang kritisismo. Kung pababayaan, maaari daw sirain ng mga kasinungaliang ibinabato sa kanila ang tiwala ng taumbayan sa sistemang pangkatarungan sa bansa.
Ayon naman sa Movement Against Disinformation, malinaw na layunin ng mga naging pahayag ni ex-Usec Badoy na manipulahin ang opinyon ng publiko at mag-enganyo ng karahasan laban sa hukom. Kinundena rin ng Chevening Alumni Association, kung saan miyembro si Judge Magdoza-Malagar, ang mga pahayag laban sa hukom na sa katunayan ay ginagawa lamang ang kanyang tungkuling protektahan ang karapatang pantao. Sinigurado naman ng Philippine National Police na iimbestigahan nila ang mga banta laban sa hukom.
Naniniwala ang Simbahang hindi maaaring umiral nang magkasabay ang kapayapaan at karahasan. Kung saan may karahasan, wala roon ang presensya ng Diyos. Hindi kailanman magiging tugon sa mga suliranin sa lipunan ang karahasan. Ang karahasan ay isang kasinungalingan; labag ito sa katotohanan ng ating pananampalataya, sa ating pagkatao. Sinisira mismo ng mga nagpapalaganap ng karahasan ang buhay at dignidad ng tao at ang ating kalayaan na sinasabing ipinagtatanggol nila.
Hindi matutugunan ang presensya ng mga rebelde ng mga bantang pagpatay at pagpapasabog sa opisina ng mga hukom na inaakusahang kakampi ng mga grupong ito. Una, kailangang tugunan ang ugat ng pagrerebelde katulad ng kahirapan at kawalan ng katarungan. Ikalawa, kung totoong ang layunin ng pagtugis sa mga terorista ay itaguyod ang buhay at kaligtasan ng lahat, bakit pagkitil ng buhay ang nakikitang sagot ni ex-Usec Badoy. At panghuli, ang mga banta ay laban pa sa mga taong hindi napapatunayang kaanib ng mga rebeldeng grupo at ginagawa lamang ang kanilang trabaho.
Mga Kapanalig, katulad ng mensahe ng Diyos sa 1 Cronica 22:8: “Hindi ka bumubuo ng tahanan sa Aking ngalan dahil marami kang dugong pinadanak sa mundo.” Hindi natin makakamit ang makatao, makatarungan, at mapayapang lipunan kung magpapadanak tayo ng dugo. Ang pagpapanday sa Kaharian ng Diyos dito sa lupa ay hindi kailanman magaganap sa pamamagitan ng karahasan.