475 total views
Inihayag ni Infanta Bishop Bernardino Cortez na ang karahasan ay magbubunga lamang ng pagkalito at pagkakahati-hati ng mamamayan.
Ito ang naging pahayag ni Bishop Cortez kasunod ng pamamaril at tangkang pagpaslang kay Infanta Mayor Filipina Grace America kahapon ng umaga.
“Mariing kinokondena ng inyong abang lingkod, Obispo ng Prelatura ng Infanta ang tangkang pag-ambush at pamamaril sa butihing Punong Bayan ng Infanta, Kagalang-galang Filipina Grace R. America, umaga ng Linggo, ika-27 ng Pebrero, 2022 sa labas ng kanilang bahay dalanginan,” ayon sa Pahayag ng Obispo.
Mariing kinukundena ng Obispo ang insidente na nagsanhi ng pagiging sugatan ng alkalde kung kaya’t siya ay kinakailangan dalhin sa pagamutan sa maynila.
Paninidigan ni bishop cortez, ang simbahan ay magpapatuloy na maging propeta upang ihatid katapatan, katotohanan at katarungan sa lipunan.
“Kailanman ay hindi maaaring maging solusyon ang karahasan sa mga suliranin at usapin ng hindi pagkakaunanawaan bagkus magiging daan pa ito ng pagkakahati-hati ng mga tao. Ang Simbahan kahit kalian ay magiging isang propeta ng katarungan, katotohanan at katapatan,” ayon sa Obispo.
Panawagan din ng Obispo sa mamamayan ng infanta at bawat mananampalataya ang pananalangin tungo sa paggaling ng kanilang alkalde at pagkakamit ng katarungan upang mapanagot ang mastermind ng pamamaril.
“Bilang isang Sambayanan ng Diyos, sama-sama tayong manalangin para sa ating Punong Bayan Filipina Grace R. America, at ang ating mahal na bayan ng Infanta. Nawa ay magkaroon ng katarungan ang karumal-dumal na pangyayaring ito,” apela pa ng Obispo.
Panawagan naman ng Municipal Government of Infanta sa mga maaring nakasaksi ng pamamaril sa Alkalde ang pakikipag-ugnayan sa Municipal Police Station sa mga numerong 09985985754/ (042) 535-3642 o sa Office of the Infanta Mayor sa(042) 535-4248.