57,135 total views
Mga Kapanalig, ngayong araw, ika-8 ng Oktubre, ang huling araw ng filing of certificate of candidacy (o COC) ng mga tatakbo sa halalan sa susunod na taon. Nagsimula ang pagtanggap ng COMELEC ng mga COC noong unang araw ng buwang ito.
May napupusuan na ba kayo sa mga nais maging senador? Sa mga tumatakbo para maging kinatawan ng distrito ninyo sa Kongreso? Sa mga gustong maging mayor, vice-mayor, at konsehal? Sa mga nalalaman ninyong pangalan ng mga kandidato, may bago ba?
Bago kasi ang filing ng COC, may mga partido nang ipinakilala ang kanilang mga magiging manok sa eleksyon. (Parang sabong, ‘di po ba?) Isa sa mga ito ang Alyansa para sa Bagong Pilipinas, ang koalisyon ng administrasyong BBM. Mula sa iba’t ibang partido-pulitikal ang mga kandidato ng presidente, pero puná ng ilan, “Bagong Pilipinas” pero mga “lumang mukha”?
Ang line-up kasi ng administrasyon ay binubuo ng limang reelectionists o mga kasalukuyang senador na magtatapos na ang anim na taóng termino. Nais ding magbalik-senado ang tatlong kandidato. Dalawang kandidato naman ay mula sa Mababang Kapulungan; mga kongresistang gustong mag-level-up, ‘ika nga. Isa naman ay kasalukuyang mayor, at mayroon ding miyembro ng gabinete. Maliban sa hindi na bago ang mga pangalan nila, kapansin-pansin ding ilan sa kanila ay kamag-anak ng mga nakaupong senador. Apat sa kanila ay may kapatid sa senado ngayon. Ang isa ay kapatid pa ng pangulo.
Isantabi muna natin ang usapin kung sapat at akma nga ba ang kanilang mga kakayahan para maging mahusay na tagapaggawa ng batas at tagapagbantay ng ibang sangay ng gobyerno. Ang kapuna-puna ay ang tila pagbibigay-diin sa pagiging sikat ng mga kandidato, partikular ng mga manok ng administrasyon. Madaling maalala ang kanilang mga apelyido dahil mula sila sa kilalang angkan o pamilya, o kaya naman ay kilala silang personalidad sa showbiz at maging sa sports. Paulit-ulit din ang kanilang mga patalastas sa TV, radyo, at maging sa social media, kaya didikit talaga sa alaala ng mga botante ang kanilang pangalan. Hindi katakataka kung ang mga pangalan nila ang lumulutang sa mga survey kung saan tinatanong ang mga tao kung sinu-sino ang napupusuan nilang ibotong senador.
DZRV846 SOCMED PACKAGE 2024_6Sa Catholic social teaching na Fratelli Tutti, kinikilala nating may mga lider talagang sikat o popular. Hindi maikakaila ang kanilang impluwensya sa mga tao, at maaaring gamitin ito sa positibong layunin. Kaya nilang pagkaisahin ang mga mamamayan para sama-samang tumungo sa pagbabago at paglagong pakikinabangan ng lahat. Pwede silang maging instrumento ng tinatawag nating common good.
Pero ang kanilang kasikatan ay maaari ding magamit para sa makikitid na interes. Maaari silang maging daan tungo sa tinatawag sa Fratelli Tutti na “unhealthy populism.” Tumutukoy ito sa paggamit ng mga tao ng kanilang kasikatan upang samantalahin ang pulitika para sa kanilang kapakinabangan o patuloy na pagkapit sa kapangyarihan. Masasabing malubha ang negatibong epekto ng “unhealthy populism” kung humahantong ito sa pag-abuso sa mga institusyon ng pamahalaan at sa pagbaluktot sa mga batas.
Hindi tayo hahantong sa “unhealthy populism” kung ang pagboto natin ay hindi nakabase sa kung sinu-sino ang naaalala nating pangalan. Malaki at mabigat na tungkulin ang nakaatang sa mga lider ng ating gobyerno, kaya hindi sapat na kilalá o sikat lamang sila. Sabi nga sa Mga Kawikaan 11:14, “Sa kakulangan ng tuntunin, ang bansa ay bumabagsak, ngunit sa payo ng nakararami, tagumpay ay tiyak.” Ang tagumpay na ito ay nakasalalay sa dalisay na layunin at hindi matatawarang husay ng mga iluluklok natin sa puwesto.
Mga Kapanalig, nagsimula na nga ang election season sa bansa. May panahon pa tayong suriin ang mga kandidatong humihingi ng ating sagradong boto.
Sumainyo ang katotohanan.