372 total views
Mga Kapanalig, nagbanta ang Philippine National Police o PNP na biláng na raw ang mga araw ng grupong Abu Sayyaf. Matatandaang noong Martes Santo, inatake ng bandidong grupo ang bayan ng Inabanga sa Bohol, at sa kanilang engkuwentro sa mga pulis at mga sundalo, apat na miyembro ng Abu Sayyaf, tatlong sundalo, at isang pulis ang namatay. May dalawang matandang sibilyan ang nadamay at nasawi sa bakbakan.
Bahagi na ng kasaysayan ng mundo ang karahasan, at ang mukha nito sa kasalukuyang panahon ay ang terorismo. Matatagpuan sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang maraming grupong binuo na may layuning maghasik ng lagim. Mayroong ilang gumagamit ng karahasan upang kumita sa pamamagitan ng pagkidnap, at ganito ang tingin ng ating pamahalaan sa grupong Abu Sayyaf. Mahirap alamin kung ano talaga ang nag-uudyok sa mga terorista para gumawa ng karumal-dumal na gawain, ngunit ang malinaw ay ang pagkapit nila sa karahasang labag sa dangal ng tao at sa kalooban ng Diyos. Hindi kailanman magiging matuwid ang anumang layuning nakasalalay sa dahas. Violence can never be justified.
Nanawagan na ang Diosesis ng Talibon sa Bohol sa mga nasasakupan nito na manatiling mahinahon at mapagmasid, lalo pa’t may mga pinaghahanap pang kasapi ng Abu Sayyaf sa Inabanga. Patuloy daw silang magtiwala sa militar. Kabaligtaran naman ang naging payo ng ating pangulo sa mga taga-Inabanga. Hinimok niya ang mga ito na mag-armas at patayin ang mga bandido kapag makita nila ang mga ito. May isang milyong pabuya rin ang pamahalaan sa bawat miyembro ng Abu Sayyaf na kanilang madadakip, ngunit mas gusto ng pangulong patay na ang mga ito. Problema pa raw niyang pakainin ang mga ito kung sila ay hahayaan pang mabuhay.
Ilang administrasyon na rin ang nagdaan ngunit nariyan pa rin ang Abu Sayyaf—nangingidnap, nangingikil, at pumapatay ng mga inosente. May isang dating pangulong nagsabing pupulbusin niya ang mga ito. At ngayon nga, mga sibilyan naman ang pinag-aarmas na ng ating pangulo. Sinukuan na ba niya ang kakayahan ng ating mga sundalo’t pulis upang lutasin ang problemang ito? Inutusan niya ang Hukbong Pandagat o Navy na pasabugan ang mga bandido sa karagatan. Hindi rin siya magdadalawang-isip na paulanan ng bomba ang Jolo kung hahantong daw sa puntong malalagay sa alanganin ang katahimikan ng buong bansa.
Hindi kaya’t mas makatutulong kung ang tapang sa salita ay tatapatan ng pagpapahusay ng kakayahan ng Sandatahang Lakas at Pambansang Kapulisan sa pagkalap ng datos at impormasyon tungkol sa mga kilos ng Abu Sayyaf, hindi lamang upang mapigilan ang kanilang masasamang gawain kundi upang matukoy talaga ang pinagmumulan ng kanilang kakayanang maghasik ng lagim? Kailangang tapatan ng mahusay na intelligence at counterterrorism capabilities ang tapang na baka hanggang salita na lang kung walang malinaw at maayos na plano.
Higit sa lahat, ang pagsugpo sa terorismo ay hindi lamang nakasalalay sa ating mga pulis at sundalo. Sa pangmatagalan, kailangan ding tutukan ang mga komunidad upang tugunan ang mga kundisyong nagtutulak sa ilan nating kababayan na kumapit sa patalim at sumali sa mga bandidong grupong gaya ng Abu Sayyaf. Hindi na natin kailangan pagtalunan ang katotohanang umuusbong ang karahasan sa mga lugar na napag-iiwanan ng mga serbisyo at oportunidad upang umunlad sa buhay. Poverty begets violence.
Mga Kapanalig, isama po natin sa ating mga panalangin ang mga tagapangalaga ng kaligtasan at kapayapaan sa ating bayan. Gayundin, huwag nating kalimutang ipagdasal ang mga kapatid nating nabubulag sa terorismo. Gayunman, dapat na malinaw sa atin ang kamalian ng karahasang kanilang ginagawa. Krimen ang terorismo, at walang Kristiyanong dapat ipagtanggol ito. Bagamat hindi natin ipinagsasalwambahala ang banta ng terorismo, mas pagpursigihin dapat ng pamahalaan ang pangmatagalang istratehiyang susupil sa anumang aakit sa sinumang tahakin ang daan ng karahasan.
Sumainyo ang katotohanan.