446 total views
Pinaalalahan ng Metropolitan Cathedral of San Fernando Pampanga ang mga deboto ng Nuestro Padre Jesus Nazareno na ang Panginoon ay nanahan sa bawat isa kaya’t nadidinig nito ang kahilingan ng mamamayan.
Ayon kay Rev. Fr. Marius Roque, ang rector ng cathedral dapat hayaan ng mga deboto si Hesus na humawak at gumabay sa tao upang maibsan ang anumang uri ng paghihirap na dinaranas.
“Hayaan natin ang Sr. Nazareno ang siyang humawak sa atin, humaplos sa atin at siyang gagabay at magbibigay sa ating pangangailangan,” bahagi ng pahayag ni Fr. Roque.
Ikinagalak ng pari ang mainit na pagtanggap ng mananampalataya ng Pampanga sa pagdalaw ng Mahal na Poong Hesus Nazareno sa lugar dahil sa dami ng mga dumalo sa isinagawang Banal na Misa nitong ikalima ng Enero.
Sinabi pa ni Fr. Roque na ang pagtanggap ng mga deboto ay nagpapakita lamang ng mas malalim na debosyon at pananalig ng mga tao sa Panginoon sa pamamagitan ng Poong Nazareno.
Pinangunahan ni Rev. Fr. Douglas Badong, parochial vicar ng Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church ang Banal na Misa na dinaluhan ng mga deboto mula sa iba’t ibang bayan ng Pampanga.
Ang pagdalaw ng imahe ng Poong Nazareno sa Pampanga ay kabilang sa isinagawang localize traslacion bilang paraan upang mabawasan ang dami ng mga debotong dumadalaw sa dambana ng Poong Nazareno sa Quiapo tuwing ikasiyam ng Enero.
Nagpasalamat naman si Fr. Roque sa inisyatibo ng pamunuan ng Quiapo Church na mapabilang ang San Fernando Cathedral sa mga simbahang dinalaw ng Poon bago ang makasaysayang paggunita sa Traslacion. Tema ng Traslacion ngayong taon ang ‘Huwag kayong matakot! si Hesus ito’ na hango mula sa ebanghelyo ni San Mateo kabanata 14 talata 22 hanggang 23.