234 total views
Tungkulin ng Simbahan ang manindigan sa katotohanan at sa katuruan ng Diyos.
Ito ang naging sagot ni dating CBCP President at Lingayen Dagupan Archbishop Oscar Cruz sa naging pahayag ni House Speaker Pantaleon Alvarez na masyadong nakikialam ang Simbahang Katolika sa gobyerno lalo na sa pagtutol sa death penalty.
Iginiit pa ni Archbishop Cruz mananatiling konsensya ng bayan ang Simbahan at may kalayaan naman ang estado na pumili ng mabuti at mali ngunit hindi aniya siya titigil sa pangangaral ng Mabuting Balita ng Diyos lalo na ng buhay.
“I’m not offended I understand him (Alvarez) kaya lamang napakahirap naman tumahimik ako bilang alagad ng Diyos pagkat pangalan ng Diyos ang sinusuway wala akong kibo. Ano ako manunuod? Huwag naman ganun. Kung gusto niyang pag aralan yung sinabi ko sige lang salamat, kung ayaw niya tapon niya sa basura salamat din no problem.” bahagi ng pahayag ni Archbishop Cruz sa Radyo Veritas.
Kaugnay pa rin ng pagsusulong ng death penalty sa kongreso idinagdag pa ni Archbishop Cruz na lahat ng kanilang pangangaral ay hindi naman galing lamang sa sarili nilang opinyon kundi galing sa Panginoon.
Pinaalalahanan rin nito ang ilang public leaders na tungkulin ng mga ito na maging lingkod bayan at hindi ang maging ‘diyos ng bayan.’
“Hindi ko naman mauutos yung huwag kang papatay, sa akin ba galing yun? Galing sa Panginoon yun inuulit ko lang, kung makinig siya (Alvarez) salamat kung hindi, siya ang bahala. Yun nga kung minsan ‘public officials’ they should be ‘public servants’ , hindi they became like ‘public lords and public Gods’ nakakahiya.” bahagi ng pahayag ni Archbishop Cruz sa Radyo Veritas.
Nauna na ring sinabi ni Caloocan Bishop Ambo David na kailanman ay hindi katanggap – tanggap na gamitin ang Bibliya sa pagsusulong ng parusang kamatayan.
Umapela na rin si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ng panalangin at pagkilos laban sa death penalty.
Kasabay rin nito ang inilabas na pastoral letter ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na pinamumunuan ni Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas lalo na pagkabagabag ng mga ito sa kultura ng kamatayan.
Nabatid na nakapagtala ang Amnesty International noong 2015 ng pinakamataas na bilang sa kasaysayan ng mga nahatulan ng parusang kamatayan na umabot sa 1, 634.