191 total views
Mga Kapanalig, habang isinusulat natin ang editoryal na ito, malapit nang umabot sa siyam na milyon ang kabuuang bilang ng bakunang naipamahagi sa mga Pilipino. Sa bilang na ito, mahigit anim na milyon (o halos 74%) ang nabigyan ng first dose, habang ang natitira—o higit dalawang milyon naman—ang nakakuha na ng kanilang second dose. Nasa halos anim na porsyento pa lang ng ating mahigit 110 milyong populasyon ang nakatanggap ng unang dose, samantalang nasa dalawang porsyento naman ang mga fully vaccinated o dalawang doses na ang natanggap.
Target ng pamahalaang mabakunahan ang 70% ng mga Pilipino ngayong taon upang makamit natin ang tinatawag na herd immunity. Upang maabot ang target na ito, nasa 350,000 hanggang 500,000 ang dapat na nagpapabakuna bawat araw. Ngunit ang tinatawag ng 7-day average ng mga nagpapabakuna sa bansa ay nasa mahigit 200,000 lamang bawat araw. Kung ganito ang magiging takbo ng vaccination program ng bansa, mahihirapan tayong makarating sa ating target.
Maraming dahilan kung bakit kakaunti ang nababakunahan sa ating bansa. Isa sa mga ito ang kakulangan ng supply ng bakuna at ang hamon ng pagdadala at pag-iimbak ng mga ito sa iba’t ibang lugar sa bansa. Paiba-iba rin ang schedule ng pagdating ng mga bakuna, binili man natin ang mga ito o donasyon mula sa ibang bansa.
Ngunit isa ring dahilan ang pag-aalinlangan ng marami sa atin sa bakuna. Sa resulta ng survey ng Social Weather Stations (o SWS) noong Mayo, nabawasan ang mga Pilipinong pumapayag na magpabakuna habang dumami naman ang mga tumatanggi o may agam-agam. Tatlo sa sampung Pilipino (o 32%) ang willing na magpabakuna. Nasa 33% ang unwilling, at mas nakararami naman (o 35%) ang uncertain o hindi pa makapagpasya. Ang takot na makaranas ng side effects ang pinakakaraniwang dahilang ibinigay ng mga ayaw at nag-aalinlangang magpabakuna.
Sa kanyang pagkainis sa mga paulit-ulit na balita tungkol sa tinatawag na vaccine hesitancy ng mga Pilipino, nagbanta si Pangulong Duterte noong isang linggo na ipahuhuli at ipakukulong niya ang mga hindi pumapayag na magpabakuna. Aatasan daw niya ang mga kapitan ng barangay na ilista ang lahat ng mga ayaw tumanggap ng bakuna. Salungat ito sa umiiral na patakaran ng pamahalaang bagamat hinihikayat ang mga mamamayang magpabakuna, ito ay mananatiling boluntaryo o hindi sapilitan.
Nakalulungkot na sa halos lahat ng problemang kinakaharap ng bayan—maliban sa panghihimasok ng mga dayuhan sa ating teroitoyo—karahasan lagi ang naiisip na solusyon ng administrasyon. Sa halip na paigtingin ang pagpapaliwanag sa mga tao tungkol sa mga bakuna at ibsan ang kanilang pangamba at ituwid ang mga maling impormasyon tungkol sa mga side effects, mga banta ng pagpapakulong ang naiisip ng ating mga lider, sa pangunguna ng ama ng bayan.
Sabi nga sa ensiklikal ni Pope Francis na Fratelli Tutti, “Tenderness is the path of choice for the strongest, most courageous men and women.” Kahinahunan ang pinipiling landas ng mga tunay na malalakas at matatapang. Kung mahinahon ang ating mga lider, iiral ang mga epektibo at makataong solusyon sa ating mga problema. Kung karahasan lamang ang laging nasa isip nila, asahan nating mas lalala pa ang ating kalagayan dahil magbubunga ito ng mga bagong problema. Nasa ganito pa rin tayong kalagayan dahil sa ganitong uri ng pamamahala.
Mga Kapanalig, sa gitna ng pangkalusugang krisis na kinakaharap natin, ang kailangan natin ay mga lider na katulad ng isang pastol na inilalarawan sa Mga Awit 78:70-72—isang mabuting pastol na inaalagaan ang kanyang kawan nang may katapatan at husay. Kung paninindak lamang ang naiisip na paraan ng mga lider para solusyonan ang isang problema, masasabi ba nating katapatan at husay ang kanilang ipinakikita?