36,800 total views
Naniniwala ang Ateneo Martial Law Museum na kinakailangang balikan ang kasaysayan ng bansa o mga nangyari sa nakaraan upang tumimo ang mga aral na hatid nito at maiwasang maulit sa kasalukuyang panahon.
Ito ang ibinahagi ni Oliver John Quintana – coordinator ng Ateneo Martial Law Museum and Library sa programang Barangay Simbayanan sa Radyo Veritas kaugnay sa bagong lunsad na Martial Law Digital Library.
Ayon kay Quintana, mahalagang hindi makalimutan ng mga Pilipino ang anumang bahagi ng kasaysayan ng bansa na naghatid ng mahahalagang aral para sa kasalukuyan at susunod na henerasyon ng mga Pilipino.
Sinabi ni Quintana na ang Martial Law Digital Library ay magsisilbing historian sa susunod na henerasyon sa tunay na mga pangyayari sa kasaysayan ng bansa.
“Ganito tayo ngayon dahil sa nangyari noon kaya kailangan nating balikan ano po ba yung nangyari noon na kailangan nating itama, kailangan natin huwag kalimutan… Itong proyekto ito ay alay namin sa susunod na henerasyon at nandyan po yan online hopefully forever at nakikita po natin na makatutulong ito sa pagbuo ng isang henerasyon ng mga lider na may malay sa kanilang kasaysayan, sa nakaraan.” pahayag ni Quintana sa Radyo Veritas.
Ipinaliwanag ni Quintana na napananahon ang proyekto upang patuloy na ipahayag ang paninindigan ng mga Pilipino laban sa authoritarian rule at laban sa pagbabago ng kasaysayan ng bansa.
Iginiit ni Quintana na sa pamamagitan ng pagbabalik tanaw sa nakaraan at sa kasaysayan ng bansa ay higit na nagkakaroon ng sapat na kaalaman at kamalayan ang Pilipino kung sino ang karapat-dapat na mamuno sa bansa.
“Nagpapatuloy po ang kwento natin bilang isang bayan at ito ay isang pagkakataon para mag-reflect at balikan bakit nga ba tayo napunta ulit dito, bakit tila naulit ang nakaraan. Ang kasaysayan po ba ang umuulit o tayo mismong mga Pilipino ang umuulit nito, we need to equipped ourselves with the knowledge, with the necessary knowledge in order to know better in order to elect people who would actually uphold the truth and will not use the position in order to put further their own personal agenda.” Dagdag pa ni Quintana.
Tiniyak naman ni Quintana na dumaan sa masusing pag-aaral ang mga impormasyon na matatagpuan sa Martial Law Digital Library upang maiwasan ang patuloy na pagkalat ng mga maling impormasyon o fake news.
“Sinigurado po natin yan lalo na ngayon sa panahon na alam po natin na nagkalat ang fake news ang alternative facts, sinecure po natin ang website at sinigurado po natin na lahat ng contributors, lahat po of course ng gumawa nito ay matagal ang research na ginawa dito… Sinigurado po ng team na more than 100 sources available entries in this website na dumaan po sa masusing pagsusuri at sinigurado po na wala po itong fake news na ikinakalat.” Ayon pa kay Quintana.
Katuwang ng Martial Law Museum sa nasabing proyekto ang Ateneo de Manila University, Rizal Library, University of Hawai’i at Manoa kasama ang iba pang mga eksperto at mananaliksik mula sa iba’t ibang educational institutions at organizations sa Pilipinas at ibayong dagat na kinabibilangan ng University of the Philippines-Diliman, Vanderbilt University, University of Washington, the International Council on Monuments and Sites (ICOMOS) at Dapat.
Nakapaloob sa bagong Martial Law Digital Library ang iba’t ibang primary, secondary, literary, and visual sources kung saan makikita ang mga totoong pangyayari mahigit 50-taon na ang nakakalipas mula sa pamamalakad ng rehimen ni dating Pangulong Marcos Sr. hanggang sa magdeklara ng Batas Militar at matapos ito sa pamamagitan ng mapayapang EDSA People Power Revolution taong 1986.
Nasaad din sa nasabing Martial Law Digital Library ang mga aral na iniwan ng Batas Militar gayundin ang pagkilala sa mga maituturing na bayani na mariing nanindigan para sa kapakanan ng bayan sa kabila ng paniniil sa demokrasyang umiiral sa bansa.