219 total views
Kinilala ng Simbahang Katolika ang ambag ng mga mangingisda sa lipunan.
Nakasaad sa ensiklikal ng Kanyang Kabanalan Francisco na Laudato Si ang pagpapaigting sa pangangalaga sa karagatan upang maprotektahan ang mga yamang dagat na kapaki-pakinabang sa mamamayan.
Kaugnay nito, mariing kinondena ng grupo ng mangingisda ang ginagawang “hit and run” ng isang Chinese vessel sa bangkang pangisda ng mga Filipino sa Reed Bank na bahagi ng teritoryo ng Pilipinas.
Iginiit ni Fernando Hicap, National Chairperson ng PAMBANSANG LAKAS NG KILUSANG MAMAMALAKAYA NG PILIPINAS (PAMALAKAYA) na malinaw na paglabag sa karapatang pantao ang insidente kaya’t dapat panagutin ang mga salarin.
“Dapat pursigihin ng ating gobyerno na mapanagot yung mga Chinese na sakay ng chinese vessel,” pahayag ni Hicap sa Radio Veritas.
Inihayag ng Hicap na malinaw sa mga salaysay na binangga ang bangka ng mga Filipinong mangingisda sapagkat naka-anchor ito sa karagatan.
Nanawagan ang PAMALAKAYA sa 22 mangingisda na ilahad sa publiko ang nangyaring pagbangga at tiniyak na tutulong ang grupo sa paghahanap ng mga mangingisda ng katarungan.
Sinabi pa ni Hicap na iilan lamang ito sa mga insidenteng harassment ng China sa mga mangingisdang Filipino.
Dahil ditto, nanawagan ang PAMALAKAYA kay Pangulong Rodrigo Duterte na igiit ang karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea at hindi basta magtitiwala sa China.
Hiniling din ng grupo sa pamahalaan na magsampa ng kasong kriminal laban sa mga salarin upang mabigyang katarungan ang dinanas ng mga mangingisdang Filipino.
Ibinahagi ni Hicap na batay sa salaysay ng mga kasaping mangingisda ng PAMALAKAYA, umiiral ang friendly environment sa karagatan ng West Philippine Sea noong hindi ito inangkin ng China.
Binigyan diin ng grupo na napapanahong muling pairalin ang peaceful common fishing area sa karagatan ng West Philippine Sea upang manumbalik ang pagkakaisa at pagkakasundo ng mga mangingisda sa lugar.
Nabatid na pormal ng naghain si Department of Foreign Affairs secretary Teodoro Locsin Jr. ng diplomatic protest laban sa China.