251 total views
Umaasa ang deboto ng Mahal na Poong Hesus Nazareno na tuluyang makamtan ang espiritwal na kagalingan at kapatawaran ng mga pagkakamaling nagawa.
Ayon kay alyas ‘Allan’ 35 taong gulang na may Human Immunodeficiency Virus (HIV) mahirap para sa katulad niya ang makipamuhay sa lipunan sapagkat mababa ang tingin ng mamamayan.
“Sana ang sakripisyo kong ito ay sapat para patawarin ako ng Panginoon at maging ng pamilya ko,” pahayag ni alyas Allan sa Radio Veritas.
Paliwanag nito na itinakwil siya ng kanyang pamilya halos dalawang taon na ang nakalipas nang malaman na may taglay siyang HIV.
Bagamat may iilan na nakauunawa sa kanyang kalagayan mas umiiral pa rin ang diskriminasyon at panlalait na kanyang natatanggap maging sa mga kakilala.
Aniya, labis niyang pinagsisihan ang dating buhay na sumira sa kanyang kinabukasan at kasalukuyang inilaan ang kanyang mga oras sa pagdarasal sa Minor Basilica of the Black Nazarene dahil ito ang kanyang pamamaraan sa pagbabalik loob sa Panginoon.
“I always pray to God na sana darating yung time na gagaling ako at makabalik sa normal kung buhay,” ani ni Allan.
Batay sa 2019 report ng Joint United Nations Programme on HIV and AIDS (UNAIDS) tinatayang halos 80, 000 ang bilang ng mga taong living with HIV sa Pilipinas kung saan mahigit 19, 000 ay nasa 15 hanggang 24 na taong gulang.
Nagpaalala din ang Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Health Care, na pastoral accompaniment ang kinakailangan upang mapangalagaan ang mga taong mayroong HIV-AIDS at maalis ang stigma o masamang pagtingin sa mga ito.