216 total views
Ang drug addiction ay maituturing na bagong uri ng pang-aalipin.
Ito ang pagsasalarawan ng Kanyang Kabanalan Francisco sa lumalang problema ng drug addiction sa iba’t ibang panig ng mundo.
Ipinaliwanag ni Pope Francis na ang mga nalulong sa illegal na droga ay mga biktima na nawalan ng kalayaan dahil sa pang-aalipin ng ipinagbabawal na gamut.
Sinasabi ni Pope Francis na dapat tugunan ng bawat bansa ang problema sa pamamagitan ng edukasyon at rehabilitasyon.
Gayunpaman, nagpahayag ng duda si Atty. Rommel Abitria, Executive Director ng Humanitarian Legal Assistance Foundation (HLAF) sa tunay na dahilan ng isinusulong ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na pagsasailalim sa mga kabataang mag-aaral sa mandatory drug testing.
Iginiit ni Atty. Abitria na kung talagang pagkakaloob ng rehabilitasyon sa mga magpopositibo sa isasagawang drug test ang layunin ng naturang panukala ay dapat ang Department of Health ang mangunguna dito at hindi ang PDEA na siyang pangunahing ahensya na nangangasiwa sa War on Drugs ng pamahalaan.
“Yun yung aking worry, yun yung aking agam-agam, parang ang reason is actually to prosecute hindi naman siya to help, to rehabilitate kasi kung magre-rehabilitate ka ang dapat magpo-propose ay Department of Health at dapat meron ng nakalatag na budget and programs para sa intervention ng kung sinuman ang makikita na dependent…” pahayag ni Abitria sa Radio Veritas
Naunang isinantabi at kinundina ng DepEd ang naturang panukala dahil sa paglabag nito sa karapatan ng mga kabataang mag-aaral.
Habang lumabas naman sa isinagawang survey ng Social Weather Station kamakailan lamang na mayorya o 51-porsyento ng mga Filipino ang pabor na isulong ang naturang mandatory drug test na panukala ng PDEA para sa mga mag-aaral mula Grade 4.
Sa kabila nito, nagpalabas naman ng CHED Memorandum No. 18 series of 2018 si CHED Chairman Prospero de Vera III kung saan nakapaloob ang implementing guidelines para sa naturang mandatory random drug testing sa mga estudyante ng mga unibersidad, kolehiyo at iba pang higher education institution mula sa academic year 2019-2020.
Matatandaang una nang binigyang diin ni Pope Francis na taglay ng mga kabataan ang dalisay na pag-asa at intensyong nagmumula sa wagas na pag-ibig ng Panginoon para sa sangkatauhan kaya’t marapat lamang na protektahan ang kanilang kapakanan.