229 total views
March 16, 2020, 2:37AM
Hindi katanggap-tanggap at maituturing na immoral ang mga mapagsamantalang indibidwal na ginagamit ang Coronavirus Disease 2019 o COVID-19 outbreak para sa pansariling kapakanan.
Ito ang reaksyon ni CBCP — Episcopal Commission on Health Care (ECHC) Vice Chairman Bishop Oscar Florencio sa ginagawang hoarding ng mga produkto tulad ng alcohol, face mask at gamot na maituturing na pangunahing proteksyon laban sa nasabing sakit.
Ayon sa Obispo, hindi katanggap-tanggap na gamitin ng mga negosyante o sinuman ang COVID-19 outbreak upang manamantala at kumita sa halip ay dapat na mas umiral ang pagkakawang gawa sa kapwa.
“Ang panawagan ko dito na kung ano ang makakabuti sa tao on calamities, mga sakit na ito, sakuna na ito, huwag naman to take advantage, they will be hoarding and then ibibenta ng malaking presyo and so forth and so on because that to me that is immoral…”pahayag ni Bishop Florencio sa panayam sa Radyo Veritas.
Naniniwala rin ang Obispo na doble ang kaparusahan sa mga gahaman at mapang-abusong indibidwal na tanging sariling kapakanan lamang ang pinahahalagahan sa gitna ng kasalukuyang sitwasyon ng bansa mula sa nakahahawa at nakamamatay na sakit.
Iginiit ni Bishop Florencio na mahalagang mangibabaw ang pag-ibig at pagmamalasakit sa kapwa.
“I would like to believe that yung parusa diyan is I don’t know if I could be correct, ang parusa diyan ay doble, doble because what, ito na yung nasalanta na tayo and then here you are greedy and then you are taking only of your own good, of yung kapakanan mo, yung negosyo mo at sa lahat ng ito it has again to boil down into our concern, our concern and love for other people…”dagdag ni Bishop Florencio.
Ang buong Metro Manila sa kasalukuyan ay nasa ilalim ng 30-araw na COVID-19 community quarantine.
Ayon sa Social Catholic teaching, pabor ang Simbahan na kumita ang mga mamumuhunan, gayunman, mahalagang matiyak na ang negosyo nito ay hindi nagdudulot ng pagkasira sa kalikasan o kapahamakan sa kalusugan at buhay ng tao.