191 total views
Pagpapalakas sa sektor ng mga nag-aalaga ng baboy ang layunin ng isinasagawang pagtitipon ng Agrilink ngayong taon.
Ayon kay Edwin Chen, Pangulo ng Pork Producers Federation of the Philippines Incorporated at tumatayong Chairman ng Agrilink Convention 2018, pinagtutuunan ng pansin ng Agrilink ang pagpapalago sa produksyon ng karne ng baboy upang matulungan ang mga hograisers sa Pilipinas.
“Pinakamalaking agri – event ito sa ating bansa na ang focus ngayon na commodity ay pork o ang hog raising.” pahayag ni Chen sa Radio Veritas.
Batay sa tema na EFFICIENT VALUE CHAIN IN THE HOG INDUSTRY: A MUST FOR CONTINUED GROWTH, pauunlarin dito ang produksyon ng baboy mula sa mga nag-aalaga hanggang sa mga bumibili ng karne sa mga pamilihan.
Ipinaliwanag ni Chen na ang pagtaas sa presyo ng karne sa mga pamilihan ay dahil sa maraming dadaanan mula sa mga magsasaka bago maibenta sa mga mamimili.
Bibigyang pansin sa Agrilink Convention ang mga proseso na magpapabilis sa paghatid ng produktong baboy sa mga konsyumer.
Tampok dito ang Exhibit ng iba’t ibang produkto, pagbabahagi ng mga impormasyon mula sa iba’t ibang eksperto sa larangan ng hog raising, at pagpapakilala ng mga teknolohiyang makatutulong sa pagpapalago ng hog industry.
Ito na ang ika-25 taon ng Agrilink na magsagawa ng 3 araw na pagtitipon sa World Trade Center Manila na magtatapos sa ika – 6 ng Oktubre.
Samantala, ibinahagi ni Chen na sapat ang suplay ng karne ng baboy sa Pilipinas at iginiit na ang inaangkat na karne ay para sa mga meat processed products lamang.
Panawagan ng grupo sa pamahalaan na ang taripa sa pag-angkat ng mga karne ay dapat gamitin sa pagtulong sa mga maliliit na hograisers sa bansa na 65 porsiyento sa kabuuang 1.7 milyong bilang ng mga nag-aalaga ng baboy.
Sa panig ng Simbahan dapat isaalang-alang ng estado ang pagpapahalaga sa bawat sektor ng lipunan at tiyakin na walang naisasantabi.