429 total views
Hinimok ng NASSA/Caritas Philippines at EcoWaste Coalition ang publiko na itaguyod ang walang aksaya at makakalikasang pagdiriwang upang maiwasan at mabawasan ang malilikhang basura ngayong Pasko.
Ipinagdarasal ni Caritas Philippines executive secretary Father Tony Labiao sa pagdiriwang ng Pasko ng pagsilang ng Panginoon ay sikapin sa bawat tahanan, parokya at pamayanan ang payak na pagtitipon upang maiwasan ang pagsasayang at paglikha ng mga basura,
There’s no excuse for generating ‘holitrash’ (holiday trash), which can only add to the huge volume of single-use plastic waste and medical waste as a consequence of the pandemic,” pahayag ni Fr. Labiao.
Sinabi naman ni EcoWaste Zero Waste Campaigner Jove Benosa na ang labis na pagsasayang ay hindi tunay na layunin at simbolo ng masayang pagdiriwang ng pasko.
Ipinaliwanag ni Benosa na bilang mga katiwala ng kalikasan, mas makabubuting isaalang-alang din ng bawat isa ang kapakanan ng inang kalikasan ngayong Christmas season.
“We should make use of our inherent creativity and kindness to reduce our carbon footprint during the most joyous time of the year,” pahayag ni Benosa.
Kaugnay ito ng inilunsad na programa ng social arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines at environmental watchdog group na may temang “CHRISTMASAYA ‘PAG WALANG AKSAYA!: Alternative Decor at Regalo para sa Zero Waste Pasko” na ginanap nitong December 12 sa Plaza Roma, Intramuros.
Tampok sa nasabing programa ang iba’t ibang Christmas decor mula sa mga recycled materials, gayundin ang mga makakalikasang regalo na maaaring ipanghandog ngayong Pasko.
Katuwang din sa programa ang Intramuros Administration at ang Samahang Muling Pagkabuhay Multi-Purpose Cooperative mula sa Tondo, Maynila.
Hinihikayat naman ng Kanyang Kabanalan Francisco ang bawat isa na ipalaganap ang tunay na kahulugan at espiritu ng Pasko ng pagsilang ng Panginoon sa halip na magpasakop sa konsumerismo at pagkakaiba-iba.