190 total views
Opisyal nang inilunsad ng himpilan ng Radio Veritas ang programang HOLY BIRTH Day upang buksan ang kamalayan ng bawat isa sa kahalagahan ng sakramento ng binyag.
Layunin ng programa na mahikayat ang bawat mamamayan na bigyang halaga at alalahanin ang araw ng kanilang binyag na araw ng pagtatalaga sa pakikiisa sa Panginoon.
Batay sa isinagawang nationwide Veritas Truth Survey (VTS) lumabas na tangging 57% lamang o katumbas ng mahigit sa kalahati ng kabuuang bilang ng mga binyagang Katoliko ang may alam ng petsa o araw ng kanilang binyag; 32% ang hindi alam ang kanilang Baptismal Day habang 11% naman ang hindi sigurado sa petsa ng kanilang binyag.
Isinagawa ang pormal na paglulunsad ng programang HOLY BIRTH Day sa pamamagitan ng pagkakaloob ng sakramento ng binyag sa Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church kasabay ng paggunita sa Solemnity of the Baptism of Our Lord.
Pinangunahan ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. at Rev. Fr. Anton CT Pascual na Pangulo ng Radyo Veritas at Executive Director ng Caritas Manila ang pagkakaloob ng sakramento ng binyag sa 12 sanggol mula sa iba’t ibang komunidad ng maralitang taga-lungsod sa Metro Manila kung saan nagsilbing ninong at ninang ang ilang mga personalidad mula sa entertainment and sports industry kabilang na ang Papal Awardee at kilalang komedyante na si Ms. Ai-ai Delas Alas.
Matatandaang una ng naganap ang soft launching ng programa kasabay ng isinagawang Binyagang Bayan sa Manila Cathedral sa pangunguna ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle noong Setyembre ng nakalipas na taon 2019 na inisyatibo ng Tulay ng Kabataan Foundation.
Nauna ng binigyang diin ni Cardinal Tagle na walang katumbas na halaga ang mga sakramento kaya’t hindi maaring gamiting dahilan ang pagiging mahirap upang hindi makatanggap ng mga sakramento partikular na ang sakramento ng binyag.