211 total views
Mahigit 10-milyong piso na ang tulong ng iba’t-ibang organisasyon ng Simbahang Katolika sa mga bakwits ng Marawi.
Ito ang impormasyon ng Caritas Philippines, matapos ang sunod-sunod na pagtugon na ginagawa ng mga Church insititutions at Dioceses sa bansa sa mga pamilya na napilitang magsilikas dahil sa kaguluhan sa Marawi City.
Ayon kay Rev. Fr. Edu Gariguez, Executive Secretary ng Caritas Philippines, ang Simbahang Katolika ay nakatulong na sa may 3-libong pamilya o mahigit sa 15 libong indibidwal sa Iligan City kung saan marami sa mga bakwits ang doon nagsilikas.
Nais din ng mga organisasyon na tulungan ang malaking bilang ng mga ‘homebased’ evacuees o mga nanatili sa kanilang mga kaanak o mga bahay sa halip na manirahan sa mga evacuation centers.
“We are targeting the home-based evacuees or those staying in their relatives’ houses because our assessment showed that many were still underserved. The concentration of the responses by other organizations are mostly in the evacuation centers,”paliwanag ni Fr. Gariguez.
Ilan lamang sa mga Diyosesis na nagpadala na ng tulong sa Diocese ng Iligan ay ang Diocese ng Jaro, Lucena, Iba, Alaminos, Antipolo, Bacolod at Apostolic Vicariates ng Bontoc-Lagawe, San Jose at Calapan sa Mindoro.
Kaugnay nito, una nang nagpadala ang Caritas Manila ng 1 Milyong piso na cash asssitance at 100 kaban ng Bigas sa tulong naman ng Diocese of Tagum.
Read: Simbahan, naghatid ng tulong sa Marawi bakwits
Sa datos ng Office of Civil Defense, tinatayang mahigit sa 102 libong Pamilya o mahigit sa 460 libong indibidwal ang nagsilikas dahil sa kaguluhan sa Marawi.