265 total views
May 11, 2020-2:14pm
Tinatapos na lamang ng pamunuan ng Catholic Educational Association of the Phillipines- ang ginawang survey sa mga magulang ng kanilang estudyante bago ang inaasahang pagbubukas ng klase sa taong pamparaalan 2020-2021.
Ito ang inihayag ni Fr. Nolan Que, regional Truste ng CEAP-NCR at School Director (Clusters 5 and 6) ng Roman Catholic Archdiocese of Manila Educational System (RCAM-ES) kaugnay sa nalalapit na pasukan sa Agosto.
“Ang mangyayari ay home schooling for the 1st quarter so if we start by August practically 3-months dyan ay sa bahay until such time na kalmado na tayo at assured ang mga magulang sa physical distancing,” ayon sa pahayag ni Fr. Que.
Ayon sa pari, malinaw na lumalabas sa survey ay ang pagsasagawa ng home schooling sa loob ng tatlong buwan at ang paggawa ng mga programa para sa pagtiyak sa mga magulang na mapapangalagaan ang mga mag-aaral laban sa virus.
“Kino-collate namin ang resulta ng survey mahalaga kasi may datos e para yun ang mag-guide sa amin sa pagdedesisyon,” ayon kay Fr. Que.
Magsasagawa rin ang mga katolikong paaralan ng ‘informercial’ para sa physical distancing na siyang susundin hindi lamang ng mga mag-aaral kundi lahat ng kawani ng paaralan.
Ang CEAP ay may kabuuang 1,484 member-schools sa buong bansa.