593 total views
Mga minamahal na kapatid sa pananampalataya, kumusta po kayo dyan? Mainit ba ho dyan? Mainit din ho dito. Magkasama ho tayo at ako po ay nagpapasalamat sa Diyos sa pagkakataon na tayo’y magkasama-sama sa Eukaristiya at naalaala ko pa yung nag-misa ako dito pagktapos po nung sunog. At nakakalungkot po yun pero nakakatuwa rin na alaala dahil nakita ko kung papaano magtulungan ang mga taga rito sa Parola. Nakita ko na mayroong laging lakas na nanggagaling sa pag-asa na kapag merong gumuho ay makatatayo. At hindi pa isa-isa kundi sama sama. Napakaganda pong alaala yun lalo na ngayong tayo ay nasa Semana Santa.
Hindi man sunog, mararanasan ni Hesus ang gumuho. Gumuho ang kanyang mga ginagwa, ang kanyang mga pangarap. Parang pagkatapos niyang mag-misyon, mangaral, gumawa ng kabutihan, magpagaling ng mga may sakit, meron pa ngang namatay na kanyang binuhay. Parang ang kahihinatnan ay hindi yung inaasahan mo. Siguro sa isang pananaw, pwede nating sabihin, gumuho ang lahat ng ginawa niya. Siguro yung tanong natin minsan sa buhay, yan din ang tanong ni Hesus siguro nung panahon na yun. Bakit nangyayari ito? Saan napunta ang lahat ng aking pagsisikap? Saan napunta lahat yun? May saysay ba? Masakit na ang bahay ay gumuho. Masakit din kapag ang iyong mga pangarap, ang iyung mga mabubuting gawa ay parang gumuguho.
At sa narinig po nating ebanghelyo, napakasakit lalo kasi isa sa kanyang mga disipolo, isa sa kanyang laging kasa-kasama ang magkakanulo sa kanya. Ano ang pangalan? (Crowd answers: Judas) Bakit binubulong nyo? Sino ho ang magkakanulo kay Hesus? (Crowd answers: Judas) E, pero dalawa yung Judas na kasunod ni Hesus. Yung isa pinupuntahan pa nga natin, nagdadasal tayo pag Huwebes, St. Jude, Judas din yun. Judas ano siya? Judas Thaddeo. E, sino itong nagkanulo sa kanya? (Crowd answers: Iscariote) Basta idudugtong nyo baka magalit si St. Jude sabihin, “aba ako ang pinaratangan.” Lilinawin natin kasi may Judas Thaddeo, may Judas Iscariote.
Ayaw ko po at hindi natin dapat husgahan si Judas Iscariote kasi hindi naman po pinapaliwanag sa Bibliya ang dahilan bakit niya ito ginawa. Kaya huwag ho natin basta isipin na siya ay ganoong kasama kasi hindi natin siya nakakausap,hindi nya maipaliwanag. Kung tatanungin natin, Juads Iscariote, bakit mo naabot yung desisyon na si Hesus ay i-surrender sa mga kinauukulan? Ewan natin. Talaga bang nakita niyang nagiging peligroso ang presensiya ni Hesus? Talaga bang dumating sa punto na nakita niya na hindi yata si Hesus ang tunay na Mesiyas? Ewan natin, kaya huwag nating husgahan. Basta bumatay lang tayo sa sinasaad sa ebanghelyo.
Ang kanyang ginawa po, pinuntahan niya ang punong saserdote, ang punong pari at ito ang tanong niya: Ano po ang ibibigay ninyo sa akin kung tulungan ko kayong madakit si Hesus? At ipinangako nung mga punong sacerdote tatlungpung salaping pilak.
Ito po malinaw na si Judas Iscariote ang lumapit doon sa mga punung saserdote. Nasa isip na talaga niya na ipadakip si Hesus. Ano ang dahilan? Ewan natin. Basta nagdesisyon siya ipadadakip si Hesus. Dapat dakpin si Hesus. Pero ito yung medyo nakakagulat. Pwede naman niya sabihin na, sige tutulungan ko kayo madakip si Hesus kung si Hesus ay may ginagawang mali, kung si Hesus ay parang nanggugulo, tulungan ko kayong madakip siya. Pero meron pa siyang sinabi. Ano ang ibibigay ninyo sa akin kung ipadadakip ko, tutulungan ko kayong dakpin si Hesus.? Ano ang mapapala ko? Ano ang makukuha ko? Tatlungpung salaping pilak at kuntento na siya. Mula noon sabi ho, humanap na siya ng pagkakataon para mapadakip si Hesus.
Dito siguro mas masakit kasi magkaibigan sila, disipulo. Parang magkano ka ba? Magkano ba si Hesus? Magkano ba si Hesus para kung tama ang halaga, sige, ibibigay ko sa inyo. Napakasit po nun. Kapag kayo ang tanungin ng mga tao, ng iba, bakit magkano ka ba? Ang dangal ba ng tao ay malalagyan ng presyo? Magkano ka ba? Ikaw ba’y thirty silver pieces? Ang dangal ba ng tao, ang kahalagahan ba ng tao ay katumbas lamang ng pera? Kahit pa sabihin na sixty silver pieces, ganun ba ng tao ay sixty pieces lang of silver? Ang tao ba ay may halaga na hindi masusukat?
Mga kapatid, ito po ay napakasakit kay Hesus at sana huwag na natin itong palaganapin. Yung sakit na naidudulot sa kapwa kapag ang dangal ng tao ay katumbas lamang ng pera kahit na gaano pa yan kalaki. Ang halaga ng tao, kanyang buhay, di lang galing sa Diyos ay hindi mababayaran. At kapag ang tingin sa atin bayaran ka lang, parang sa halip na matuwa ka, dapat nasasaktan ka. At yun ay naramdaman ni Hesus.
Alam po ninyo dahil sa akin pong isang misyon, trabaho sa Caritas nakapunta po ako sa Africa sa isang isla. Actually, pag dating ko ho dito iyun ang naalaala ko kasi parang ganito ho. Parang ganito. Yung isla po na yun sa Senegal, doon binebenta ang mga Aprikano noong daang taon na ang nakakaraan. Binebenta sila para maging slaves, alipin. Nangyari