572 total views
2nd Sunday of Easter Divine Mercy Sunday Cycle A
Acts 2:42-47 1 Pet 1:3-9 Jn 20:19-31
Ang Muling Pagkabuhay ay nagdadala ng pagbabago. Hindi lang si Jesus nabuhay na muli, na bumalik lang siya sa dating buhay niya. Ang buhay niya ngayon ay nagbago na. Ito ay buhay na hindi na mabubulok. Ito ay buhay na makakapunta na sa langit. Ito ay buhay na naaabot tayo saan man tayo naroon, kahit na nakatranka ang pinto. Pero ang pagbabagong buhay ay hindi para lang kay Jesus. Ito ay para din sa lahat ng mga tao na tumatanggap sa kanya. Binabaklas nito ang anumang pumipigil sa pagbabago. Hindi mapigilan ng nakapinid na pinto, kahit na nakakandado pa, ang pagpasok ni Jesus. Hindi napigilan ng takot ang pagbabago. Takot na takot ang mga alagad noong Linggo ng Pagkabuhay. Ang balita na pinakalat ng mga leaders ng mga Hudyo sa mga kawal na nakabantay sa libingan ay habang natutulog sila, ninakaw ng mga alagad ni Jesus ang kanyang bangkay. Kaya maaaring wanted na ang mga alagad. Takot sila at hindi sila naniniwala sa balita ng mga babae na nakita nila si Jesus. Wala din silang pananalig. Dumating si Jesus at ang unang bati niya ay kapayapaan. Kailangan nila ang kapayapaan upang humupa ang kanilang takot, ang kanilang pangamba at pag-aalinlangan.
Hindi lang sila binati ni Jesus. Pinagkatiwalaan pa sila ng misyon! Kahit na sila ay duwag – wala sila noong si Jesus ay pinasakitan at pinatay. Kahit na sila ay ayaw maniwala, hindi nawala ang tiwala ni Jesus sa kanila. Sinugo pa sila, pinadala pa sila, “ipinagkatiwala sa kanila ang kayamanang walang kapintasan, di masisira, at di kukupas, ang pananampalataya na higit pa kaysa ginto.”
Naniwala si Jesus sa kanila kasi binigay sa kanila ang Espiritu Santo, ang kapangyarihan ng Diyos Ama at Diyos Anak. Hiningahan sila ni Jesus. Tulad noong paglikha sa tao, hiningahan ng Diyos ang putik na kanyang hinubog at ito ay naging buhay na tao, kaya ngayon hiningahan ni Jesus ang mga alagad upang maging bagong tao sila. Ibinigay sa kanila ang kapangyarihan ng Diyos, ang kapangyarihan na magpatawad sa kasalanan. Binago sila ni Jesus na muling nabuhay.
Kahit na si Tomas na nagmamatigas pa ay binago ni Jesus. Mayabang na sinabi niya na kahit na ang lahat ng kasama ay nagsasabi na nakita nila ang Panginoong Jesus, na hindi siya maniniwala kung hindi niya mismo makita si Jesus, at hindi lang, kung hindi niya maisuot ang kanyang daliri sa butas ng pako sa kanyang kamay at maipasok ang kanyang kamay sa tagiliran ni Jesus na binutas ng sibat. Gusto niyang makasiguro na ang nakikita niyang buhay ay siya nga talagang pinatay.
Alam ni Jesus ang kanyang hamon kaya noong nagpakita uli si Jesus, siya ang pinuntahan niya. Hinamon siya na gawin ang kanyang sinabi. Talaga bang isinuot niya ang kanyang daliri sa butas sa kamay ni Jesus at ang kanyang kamay sa sugat sa kanyang tagiliran? Hindi natin alam. Pero napaluhod siya at sinamba ang nasa harap niya. Hindi lang na kinilala niya na si Jesus nga ito. Kinilala niya na siya ay Panginoon at Diyos. “Panginoon ko at Diyos ko,” ang wika niya.
Mga kapatid, nagpatotoo na si Tomas na si Jesus nga ay Panginoon at Diyos. Hindi na natin kailangan na makita siya. Mapapasaatin ang pagpapala na sinabi ni Jesus: “Mapapalad ang naniniwala kahit hindi nila ako nakita.” Sana masasabi sa atin ang mga salita ni Pedro sa ating ikalawang pagbasa: “Hindi ninyo siya nakita kailanman, ngunit siya’y inibig na ninyo. Hindi pa rin ninyo siya nakikita magpahanggang ngayon, ngunit nananalig na kayo sa kanya. Inaani na ninyo ang bunga ng inyong pananampalataya – ang inyong kaligtasan.” Iyan nga ang pananampalataya: naniniwala sa ating inaasahan at nakakatiyak sa mga bagay na hindi nakikita.
Ang mga pangyayari na dinaanan natin sa loob ng Semana Santa ay sana nagparamdam sa atin ng pag-ibig at habag ng Diyos. Ang habag ay mas malalim na pag-ibig. Ito ay pag-ibig kahit na sa hindi karapat-dapat. Talagang ganyan ang pag-ibig ng Diyos – habag. Walang dahilan bakit pa tayo ibigin ng ganyan, makasalanan tayo, hindi natin siya pinapahalagahan, nabubuhay tayo na parang hindi natin siya kailangan, pero kinahahabagan niya tayo. Dahil sa habag niya, isinilang tayo sa isang panibagong buhay sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesus. Ginawa niya tayo na mga anak niya, bilang isang pamilya. Kaya ngayong ikalawang linggo ng Muling Pagkabuhay ay Divine Mercy Sunday. Ipinapaabot sa atin na ang lahat ng ito, ang kanyang pagkamatay at muling pagkabuhay ay dahil sa habag ng Diyos sa atin. Babaguhin tayo dahil kinahahabagan niya tayo.
Ngayon ang hamon sa atin ay mamuhay na tayo bilang mga bagong tao. Binabago tayo ng muling pagkabuhay ni Jesus. Ang pagbabagong ito ay pinakita ng unang Christian Community sa Jerusalem sa ating unang pagbasa. Nawala na ang pagkamakasarili ng mga nananampalataya. Hindi na sila nagkakanya-kanya. Nagbabahaginan sila. Ang kanilang mga ari-arian ay kanilang pinagbibili at binabahagi sa mga kapos sa kanila. Walang nang mahirap sa kanila kasi wala ring mayaman. Nagkakaisa sila. Talagang kapani-paniwala at kahanga-hanga ang kanilang pagkakaisa sa paghahati-hati ng tinapay. Ang paghahati-hati ng tinapay ay ang kanilang tawag sa Banal na Misa natin ngayon. Masaya at makabuluhan ang kanilang pagsisimba kasi nagkakaisa sila, kahit na sa materyal na bagay. Dahil dito na-aattract nila ang marami na sumali sa kanila. Hindi lang sa maganda ang kanilang mensahe. Maganda din ang kanilang samahan at ang kanilang pamumuhay.
Ang pagbabago ni Jesus sa kanyang muling pagkabuhay ay nagdala ng pagbabago sa mga apostol. Hindi na sila takot. Buong tapang na silang nagdadala ng kapatawaran ng Diyos at nagpapahayag ng pananampalataya. Ang pagkabuhay ni Jesus ay nagdala din ng pagbabago sa Christian community. Ang pagbabahaginan ng kanilang ari-arian ay naging tanda ng kanilang tunay na pagkakaisa bilang pamilya ng Diyos.
Ano naman kaya ang pagbabago sa akin, sa atin, ang dinadala ng pagkabuhay ni Jesus? Mas naging generous ba ako sa aking balik handog? Mas naging mabuting katiwala ba tayo sa pangangalaga ng mga biyaya na binigay sa atin? Mas naging malapit ba ako sa mga taong nilalayuan ko? Hayaan po nating hubugin tayo at panibaguhin tayo ng habag ng Diyos. Let the Divine Mercy transform us.