431 total views
3rd Sunday of Easter Cycle A
Act 2:14.22-33 1 Pt 1:17-21 Lk 24:13-35
Ikatlong Linggo na ngayon ng muling pagkabuhay ni Jesus. Excited pa ba tayo? O, baka naman nasa isip natin, at ayaw lang nating sabihin, tapos na iyan! Tapos na ang Semana Santa. Tapos na ang Easter Vigil, tapos na ang Salubong, tapos na ang pagkabuhay ng Panginoon. Move on na tayo.
Pero sa mga pagbasa natin nandoon pa rin ang excitement. Sa unang pagbasa excited si Pedro nang magbigay siya ng unang panayam, unang pahayag ng simbahan sa mga tao. Nangyari ito sa araw ng Pentecostes noong bumaba ang Espiritu Santo sa kanila. Ang sentro ng kanyang pahayag ay si Jesus, si Jesus na dakila sa kanyang mga salita at mga gawa pero ipinapatay ng mga tao sa mga makasalanan. Ngunit siya ay muling binuhay ng Diyos. Nangyari ang pahayag ni David sa Salmo 16 tungkol sa isang hindi iiwanan sa daigdig ng mga patay at hindi hahayaang mabulok. Ang tinutukoy ni David rito ay hindi siya, kasi alam nila na namatay si David at ang kanyang libingan ay nandoon nga sa Jerusalem. Ang tinutukoy ay ang isang maghahari mula sa lipi niya. Iyan ay si Jesus na muling nabuhay. At mga apostol nga ang mga saksi na ito ay totoo. Excited si Pedro na magbahagi sa lahat tungkol kay Jesus. Sana excited pa rin tayo.
Excited din si Pedro sa pagbabahagi sa kanyang liham na ating binasa ngayon. Maniwala na tayo sa Diyos, sinulat niya. Wala siyang favorite. Pinapahalagahan niya ang bawat isa sa atin ayon sa ating mga ginawa, kaya mamuhay na tayo bilang mga anak ng Diyos. Kahit na nagkamali tayo, tayo ay tinubos na, binayaran na ang ating pagkukulang, hindi ng anumang ginto o pilak o mga bagay na nauubos o nasisira. Tinubos tayo ng dugo ni Jesus, ang alay na walang batik at kapintasan. Sa pag-aalay niya, si Jesus ay muling binuhay kaya katanggap-tanggap ang kanyang bayad. Talagang bayad na tayo! Wala na ang kasalanan natin. Iyan ang ibig sabihin ng pagkabuhay ni Jesus: mabisa ang pag-aalay niya! Wala nang hawak sa kanya, at sa atin man, ang kasamaan.
Ang ating ebanghelyo ay nagpapakita sa atin ng dalawang attitudes tungkol sa pagkabuhay ni Jesus. Ang una ay lungkot at pagkalito at ang pangalawa ay sigla at excitement. Noong hapon ng araw ng Linggo na si Jesus ay muling nabuhay, may dalawang alagad ni Jesus na malungkot na umaalis sa Jerusalem. Iniwan na nila ang mga apostol. I-imagine na lang natin ang kanilang mukha, malungkot at nakatingin lang sa lupa habang mabagal na naglalakad at nagsasalita sa isa’t-isa sa mababang tinig. Sinabayan sila ng isang dayuhan na nagtanong kung ano ang pinag-uusapan nila. Ayaw pa sana nila siya pasalihin sa kanilang pag-uusap pero makulit, nagpupumilit. “Ano ba ang pangyayari na inyong pinag-uusapan?” tanong niya.
Isinalaysay nila ang mga element ng Magandang Balita pero hindi nila ito nakitang magandang balita. Ito ay tungkol kay Jesus na dakila sa kanyang mga salita at gawa ngunit pinapatay ng kanilang mga leaders; ipinapako siya sa krus. Siya pa naman sana ang inaasahan nila na magliligtas sa kanila. Oo, may mga babae noong umagang iyon na nagbalita na nakakita raw sila ng mga anghel na nagsasabing buhay si Jesus at wala na sa pinaglibingan sa kanya. Ganoon din ang nakita ng mga kasama na pumunta sa libingan. Wala ang bangkay pero hindi naman nila nakita si Jesus. Tama ang kwento nila pero hindi nila ito naranasan na Magandang Balita. Nabubulagan sila ng kanilang kalungkutan, ng pagkalito, at ng kakulangan sa paniniwala.
Pinaliwanag ng dayuhan ang tungkol sa Kristo ayon sa Banal na Kasulatan, mula kay Moises hanggang sa mga propeta, na dapat siyang magdusa at mabubuhay na muli. Nag-bible study sila habang sila ay naglalakad. Siguro habang nag-e-explain si Jesus, naliliwanagan na rin ang kanilang isip at umiinit na ang kanilang kalooban. Bumabalik uli ang kanilang sigla. At mas natatanggap na nila ang dayuhan na nagsasalita sa kanila. Napalapit na ang loob nila sa kanya na sa pagdating nila sa Emaus kanila siyang inanyayahan sa hapunan. Kumakain lang tayo sa kapalagayang loob natin.
Sa hapunan kumuha si Jesus ng tinapay, pinagbiyak-biyak iyon at ibinigay sa kanila. Ito rin ang ginawa ni Jesus sa Huling Hapunan. Ito ang ginagawa natin sa Banal na Misa – nagpipiraso ng tinapay. Nabuksan ang kanilang mata! Nakilala nila na si Jesus pala iyong kanilang kasa-kasama. Bigla na ring nawala si Jesus. Hindi na nila kailangan ang kanyang anyong pagkatao kasi nandiyan na siya sa anyo ng tinapay. Iyan na ang presensiya niya sa kanila. Noong nakilala na nila si Jesus, saka naunawaan nila ang pagbabago ng kanilang loob habang pinapaliwanag niya ang Banal na Kasulatan sa kanila. Binubuo ng Banal na Eukaristiya at pinagiging mas liwanag ang ating naiintindihan sa Bibliya. Nakakatulong ang Eukaristiya sa pag-unawa ng mga bagay na nasa Bibliya, at nakakatulong din ang Bibliya sa pagtanggap kay Jesus sa Banal na komunyon. Mahigpit ang kaugnayan ng Bible at ng Banal na Communion. Ang pagbasa sa Bibliya ang naghahanda sa atin upang makilala si Jesus sa Eukaristiya. Kaya nga tuwing nagmimisa tayo mayroon munang mga pagbasa at paliwanag sa Bibliya bago tayo tumanggap ng Komunyon. Ang presensiya ni Jesus sa mga pagbasa ay nagdadala sa atin sa presensiya ni Jesus sa Komunyon.
Noong ma-realize na nila na buhay nga si Jesus, bumalik ang dalawa sa Jerusalem. Siguro kahit na malayo at madilim, mabilis at patakbo silang bumalik sa Jerusalem at bumalik sa grupo na kanilang iniwan na. Pinatotohanan ng grupo na buhay nga si Jesus. Nagpakita siya kay Pedro, sabi nila. Siguro excited na excited ang dalawa sa pagbabahagi ng kanila namang karanasan tungkol kay Jesus. Maingay na silang nag-uusap, nagtatawanan, baka pa nga nagbibiruan. Buhay na buhay silang lahat, kasi buhay nga si Jesus!
Ano ang nagdadala ng pagbago, mula sa kalungkutan papunta sa tuwa, mula sa discouragement papunta sa excitement, mula sa pag-alis papunta sa masayang pagtatagpo muli? Ang turning point, ang pagbabago ay nangyari sa kanilang pakikinig ng paliwag mula sa Bible at sa pagpipiraso ng tinapay. Dito nila naranasan na si Jesus ay buhay.
Hindi na natin kailangan na makita ang mukha at ang makataong katawan ni Jesus. Pero alam natin, at nararanasan natin siya kapag tayo ay nakikinig sa Banal na Kasulatan at nakikinabang sa kanyang katawan. Ang mga ito ay nagagawa natin sa ating Banal na Misa at sa ating sama-samang pagdiriwang tuwing Linggo. Excited ba tayo kapag tayo ay nagsisimba at nagtitipon tuwing Linggo? O baka naman napililitan lang tayo? Kahit na sa simula wala tayong gana kasi gumising pa ng maaga, nagbihis pa at naglakad pa papunta sa simbahan, pilitin natin. Pagsikapan nating pakinggan ang mga pagbasa at ang mga paliwanag. Magdasal at umawit tayo ng sama-sama. Magbalik handog tayo at tumanggap tayo ng komunyon. Mararanasan natin dito ang presensiya ng Diyos. Napapatatag tayo ng Salita ng Diyos, ng komunyon, ng panalangin at ng ating pagsasama-sama. Buhay si Jesus at siya ay nasa ating piling. Alleluia!!!