283 total views
2nd Week of Easter Cycle C
Acts 5:12-16 Rev 1:9-11.12-13 Jn 20:19-31
Itinalaga ni St. John Paul II noong taong 2000 na ang ikalawang Linggo ng Pagkabuhay ay Divine Mercy Sunday. Ito ay ayon sa kahilingan ni Jesus kay St. Faustina Kowalska noong nagpakita siya sa kanya. Ito ay magiging isang araw ng pagdiriwang ng Awa ng Panginoon.
Sa araw ngang ito pinakita ni Jesus ang kanyang habag sa apat na paraan. Una, sa pagbibigay niya sa mga alagad ng kanyang kapayapaan. Tuwing magpakita si Jesus noong siya ay muling nabuhay, ang kanyang pagbati ay kapayapaan. Ito ay hindi lang simpleng pagbati. Ito ay magbibigay ng kapayapaan na dumating na sa mundo kasi napagtagumpayan na niya ang kasamaan at kamatayan. Nalupig na ang kasalanan kaya magkakaroon na tayo ng kapayapaan. Kahit na tayo ay nakikipaglaban pa sa kasamaan sa buhay natin, assured na tayo ng victory. Sinabi ni Jesus: “Sa mundo magkakaroon kayo ng mga problema, ngunit lakasan ninyo ang inyong loob, napagtagumpayan ko na ang mundo.” Huwag tayo mabalisa. Talunan na ang kasamaan. Kaya mamuhay tayo ayon sa kapayapaan ni Kristo para sa atin.
Pangalawa, ibinigay ni Jesus sa atin ang kanyang Banal na Espiritu. Ang Espiritu Santo ay ang kapangyarihan ng Diyos. Ito ay kapangyarihan ng Pag-ibig, isang kapangyarihan na matagumpay sa kasalanan. Hindi lang sa pinatawad na ni Jesus ang kasalanan. Pinakita niya ito sa hindi niya pagsumbat sa mga alagad sa kanilang ginawa, na iniwan nila siya na mag-isa at hindi pa nga pinanindigan, na hindi pa buo ang kanilang paniniwala na siya nga ay muling mabubuhay ayon sa kanyang sinabi sa kanila noon. Hindi lang sila pinatawad, binigyan pa sila ng kapangyarihan na magpatawad. Ito ay ginagawa ng simbahan hanggang ngayon sa pamamagitan ng sakramento ng binyag at sakramento ng kumpisal. Ang binyag ay pagpapatawad sa lahat ng kasalanan, at ang kumpisal, sa mga kasalanang pinagsisihan na nagawa pagkatapos ng binyag. Kaya ang debosyon sa Divine Mercy ay pinapakita natin sa madalas na pangungumpisal. Tanggapin natin ang habag ng Diyos na palaging inaalok sa atin. At tayong napapatawad ay magpatawad din sa iba.
Ang ikatlong pagpapahayag ng awa ni Jesus sa pagbasa natin ngayong araw ay ang pag-aanyaya kay Tomas, at sa atin din, na hipuin ang mga sugat ni Jesus. Ang mga sugat na ito ay tanda ng kanyang pag-ibig sa atin. Sinabi ni propeta Isaias, “By his wounds we were healed.” “Sa pamamagitan ng sugat niya tayo ay gumaling.” Sa mga istatwa ni Jesus na muling nabuhay na nakadisplay sa maraming simbahan natin, nakataas ang kanyang kamay na may sugat sa kanyang palad at nakikita din ang sugat sa kanyang tagiliran at mga paa. Sa ating paschal candle sa harap ng simbahan, sa guhit ng krus ay may limang maliliit na kandilang pula na nakatusok. Ang mga ito ay sumasagisag sa limang sugat ni Jesus: dalawa sa kamay, isa sa tagiliran at dalawa sa paa. Ang mga sugat na ito ay hindi sumbat sa atin, kung paano siya nasaktan. Ito ay mga tanda ng pag-ibig niya na atin. Ganoon niya tayo kamahal – nasugatan siya para sa atin.
Ang sabi ni Jesus kay Tomas noong mahawakan niya ang kanyang mga sugat: “Maniwala ka na!” Maniwala ka na, hindi lang na ako nga ito na muling nabuhay. Maniwala ka na, na mahal kita. Pinapatawad kita sa iyong pagdududa. Tayo rin, hinihikayat niya na maniwala na sa kanyang pagpapatawad sa atin.
Ngayon din ay patuloy tayong inaanyayahan na hipuin ang sugat ni Jesus, sugat na nandiyan sa kanyang minamahal na mga kapatid – ang mga aba at mga pinagsasamantalahan. Lapitan at hipuin natin ang mga sugat na ito – at gamutin. Ang mga sugat ni Jesus na pinapakita sa atin ay hindi lang paala-ala ng kanyang mapagpatawad na pagmamahal sa atin. Ito ay paanyaya din sa atin na lapitan ang ating mga kapatid, at mga kapatid niya, na sugatan sa buhay. Marami po sila at matitindi ang mga sugat nila. Kaya ang debosyon sa Divine Mercy ay hindi lang sentimental na awa kay Jesus. Kung talagang pinapahalagahan natin ang habag niya, mahabag din tayo sa ating kapwa.
Habag ang kailangan ng mundo natin ngayon. Madalas pinagsisigawan natin ang katarungan. Nakikipag-away pa nga tayo para sa katarungan. Pero ang katarungan ng Diyos ay ang kanyang habag. God’s mercy is his justice. Kung pure justice ng Diyos ang ating hihingin, parusa lang ang matatanggap natin. Wala na tayong pag-asa sapagkat marami at malalaki ang kasalanan natin. But God made us righteous by his mercy, by his forgiveness. Kaya awa niya ang ating hinihingi. Awa din ang ibigay natin sa ating kapwa. Kung awa ang mamamayani sa mundo, walang pagsasamantalang mangyayari. Hindi tayo magmamayabang sa isa’t-isa na tama ako at mali ka. Sa kanilang kamalian binubuhat natin ang nagkakasala at nagkakamali. Kaya kapag pinalaganap natin ang debosyon sa Divine Mercy hinihikayat natin ang pagbabago sa pakikitungo natin sa kasamaan sa mundo – hindi parusa, hindi paghihiganti, hindi galit ngunit habag ang kailangan ng mga tao at ng mga makasalanan. Ito ay panawagan din sa mga gumagawa ng masama. Mahabag din kayo sa kapwa tao.
Mahabag kayo ngayon sa mga taong nagdusa dahil sa mga pinatay sa extra judicial killing. Napakarami ang nabalo at naulila. Sino ba ang kumakalinga sa kanila? Basta na lang ba sila pabayaan? Mahabag naman kayo sa mga pinagbibintangan na mga communista sa red-tagging at dinadampot na walang prueba at pinapasakitan pa? Ang mga gumagamit ng torture, maawa naman kayo sa kapwa tao ninyo! Iyong mga nagpapakalat ng fake news, maawa naman kayo sa mga ginagawan ninyo ng istorya na nakakasira sa pagkatao nila. Iyong namimili ng boto, maawa naman kayo sa taong bayan. Ang mas pahalagahan natin ay ang gusto ng tao at hindi ang gusto ninyong manalo. Ang mga nagbebenta ng boto, maawa naman kayo sa inang bayan. Hindi tayo isang bansang bayaran. Ganito ang ating mundo at ang ating Pilipinas kasi kulang tayo sa habag. Nawala na ang awa sa puso natin. Tanggapin natin ang awa ng Diyos at matuto tayo sa kanya na maawa sa kapwa. Pairalin natin ang paghahari ng habag!
Ang awa ng Diyos ay pinagpapatuloy ng mga alagad ni Kristo at ng simbahan. Ito ang ikaapat na punto ng ating pagdiriwang ng Divine Mercy Sunday. Narinig natin sa pagbasa sa Gawa ng Mga Apostol na ang kapangyarihan ni Jesus na magpagaling ay nagpatuloy sa pamamagitan ng mga apostol. Si Pedro ay nakapagpapagaling din. Ganoon kalakas ang kapangyarihan ni Pedro na magpagaling na ang matamaan lang ng kanyang anino ay gumagaling na.
Kahit na ang makataong katawan ni Jesus ay wala na sa atin at umakyat na sa langit, ang kapangyarihan ng awa niya ay nananatili pa rin sa mundo sa pamamagitan ng simbahan. Tayo ngayon ang daluyan ng habag ng Diyos sa mundo. Masasabi ba ng mga nangangailangan na mahabagin ang Diyos dahil ginagawa natin?
Dito sa atin sa Palawan ilang beses ko nang nabanggit na mahabagin ang Diyos dahil may mga taong nagbibigay ng tulong para ang mga chapels natin ay maitatayo uli, ang mga nawalan ng bahay ay magkabubong uli, ang mga nasiraan ng bangka makapangingisda uli. Noong Martes nakapagmisa ako sa isang sitio ng Itangil, sa chapel ng Buho, na ngayon lang namisahan uli kasi talagang nilipad ang bubong ng chapel nila noong baryong si Odette noong December . Sa awa ng Diyos may dumating na tulong na galing sa kanila rin at sa ibang lugar sa Maynila na makapagmisa uli sa chapel na iyon. Naranasan nila ng awa ng Diyos!
Ang Diyos ay maawain. Binibigyan niya tayo ng kapayapaan dahil natalo na niya ang kasamaan. Napapatawad na tayo at binigay pa niya sa simbahan ang kapangyarihan niyang magpatawad at magpagaling upang maranasan ng lahat ng tao ang kanyang habag. Ang kanyang sugat ay paalaala sa atin ng mga tiniis niya upang tayo ay mahalin at paanyaya sa atin na lapitan at hilumin din natin ang mga sugat na dala ng mga tao sa mundo. Habag ang kailangan ng tao. Tayong kinahabagan ay mahabag din sa iba upang bumalik ang habag sa kalakaran ng mundo natin ngayon.