363 total views
4th Sunday of Easter Cycle A Good Shepherd Sunday
World Day of Prayer for Vocations
Acts 2:14.36-41 1 Pt 2:20-25 Jn 10:1-10
Kinikilala po natin na ang Diyos Ama ay manlilikha. Ginawa niya tayo. Binigyan niya tayo ng buhay. Basta na lang ba ginawa tayo ng Diyos at inilagay sa mundo at pinabayaan na tayo? Bahala na tayo sa buhay natin? Hindi! May plano siya sa atin, sa bawat isa sa atin. Ang plano ng Diyos sa atin ay tinatawag natin na bokasyon, na nangangahulugan na tawag. May tawag ang Diyos para sa bawat isa sa atin. May gampanin tayo sa mundong ito bago tayo makarating sa langit upang maging kapiling niya. Tingnan po natin kung ano ang tawag sa atin ng Diyos at ipagdasal natin na makatugon tayo sa tawag na ito.
Para sa marami sa atin, medyo alam na natin ang direksyon ng tawag niya. Ako alam ko na ang tawag niya ay maging obispo. Ang iba na may pamilya na, ang tawag ay maging nanay o tatay, o lolo. May iba naman sa atin, lalo na ang mga kabataan, naghahanap pa ng tawag ng Diyos. Ako ba ay maging teacher? O maging magsasaka? Ang ibang pa-retire na, ano ang tawag ng Diyos sa akin, pag-retire ko? O iyong naghahanap ng trabaho, saang trabaho ba ako tinatawag ng Diyos? Pero para sa atin na may direksyon na, tulad ko na obispo, o ng isang engineer, palagi pa tayong nagtatanong, paano ko ba gagampanan ang pagiging obispo ko, o ang pagiging engineer ko, o ang pagiging estudyante ko? Palagi nating pinapakinggan ang tawag ng Diyos. Sana nga pinapakinggan natin siya at hindi lang ang gusto natin o ang hilig natin. May gustong ipagagawa ang Diyos sa atin. Kung susundin natin niya, magiging maligaya tayo, kasi kasama sa plano niya para sa atin, binibigyan niya tayo ng ating angking galing na gawin iyon. Pero kung hindi tayo susunod sa gusto niya, mas mahihirapan tayo.
Oo, may mga katangi-tanging tawag ng Diyos sa bawat isa sa atin, pero ang indibidual na tawag na ito ay dapat naaayon sa pangkalahatang tawag sa ating lahat. Ang pangkalahatang tawag sa atin ay magsisi sa ating kasalanan, tanggapin si Jesus at matatanggap natin ang kanyang Espiritu, ang Espiritu Santo na ibinigay sa atin upang gabayan tayo sa katotohanan ng ating buhay. Ang pagsisisi ay tawag niya para sa lahat. Ganoon din ang tawag niya na magsilayo tayo sa masasamang impluwensya sa atin sa mundong ito.
Sa halip na makinig sa tukso ng ahas tulad ng ginawa ni Adan at ni Eba, makinig tayo sa tinig ni Jesus – ang ating mabuting pastol. Oo si Jesus nga ang mabuting pastol na naghahanap sa atin at dinadala tayo sa mabuting pastulan. Pero dapat ding maging mabuting tupa tayo na nakikinig sa tinig ng ating pastol at hindi sa basta sinu-sino lang upang hindi tayo malito. Si Jesus ay naparito upang gabayan tayo sa buhay na ganap at kaaya-aya. Hindi naman siya namatay para sa atin at basta na lang tayo pababayaan. Namatay nga siya upang dalhin tayo sa buhay na maayos at maligaya. Ayaw niyang mawala tayo. Sinulat nga ni San Pedro sa ating ikalawang pagbasa: “Nagkawatak-watak tayo gaya ng tupang naligaw, ngunit tinipon tayong muli ng pastol at tagapangalaga ng ating kaluluwa.” Sumunod tayo sa kanya.
Ano ba ang ibig sabihin ng sumunod sa kanya? Sundin natin ang kanyang mga habilin sa atin at tularan natin siya. Tayo ay kristiyano kasi tinutularan natin si Jesus. Hindi lang sapat na kilalanin na siya ay Panginoon. Hindi lang sapat na tawagin nating siyang Lord! Lord! Sundin natin ang kanyang salita. Mahalin natin siya, at maliwanag naman ang sinabi niya na kung mahal natin siya sinusundan natin ang kanyang mga salita.
Sinabi sa atin sa ating salmo ngayong araw: “Ang Panginoo’y aking pastol, hindi ako magkukulang. Ako ay pinahihimlay niya sa mainam na pastulan, at inaakay niya ako sa tahimik na batisan, binibigyan niya ako ng bagong kalakasan.” May mabuting pastol tayo na nag-alay ng kanyang sarili para sa atin. Maging mabuting tupa din tayo na sumunod sa kanyang tinig.
Sa mga larawan ni Jesus na mabuting pastol, nakikita natin na siya ay nangunguna at sinusundan siya ng mga tupa. Nangunguna siya upang maghanap ng wastong daan na hindi mapanganib sa tupa. Nangunguna siya upang harapin ang anumang maaaring maging banta sa mga tupa. Nangunguna siya upang ihanap tayo ng magandang pastulan at ng saganang batisan. Nangunguna siya. Sumunod ba tayo na kanyang mga tupa? Hindi pinapalo ang mga tupa upang sumunod. Sila ay kusang sumusunod kasi may tiwala sila sa pastol. Kung sila ay naliligaw man o nahuhuli, tinatawag niya sila at nakikinig sila sa kanyang tinig.
Tinatawag tayo – iyan iyong bokasyon. May tawag na pangkalahatan, para magka-isa tayo, para hindi tayo mapahamak. May tawag sa atin individually, kasi mahal niya tayo individually. May plano siya sa bawa’t isa atin. Maging mabuting tupa tayo. Nakikinig ba tayo sa kanya?
Paano tayo nakikinig? Magdasal tayo. Akala natin ang panalangin ay ang pagsasalita sa Diyos upang siya ay makinig sa atin. Hindi lang iyan! Ang mas malalim na dasal ay ang ating pakikiisa sa Diyos upang mapakinggan natin ang kanyang sasabihin sa atin. Alam na ng Diyos ang ating pangangailangan. Mas alam pa nga niya iyan kaysa ating sarili. Madalas hindi natin alam ang kanyang sasabihin sa atin o ang kanyang ibibigay sa atin. Kaya sa ating pagdarasal nagsasalita siya sa atin, pinapaalam niya sa atin ang kanyang plano sa atin araw-araw.
Ang isang malalim na pagdarasal ay ang pagsusuri sa ating budhi. Ang ating budhi o konsensya ay ang maliit na tinig ng Diyos sa ating kalooban. Doon sinasabi niya sa atin kung ano ang ating iiwasan at kung ano ang ating gagawin. Huwag tayo magbingi-bingihan sa tinig ng Diyos na nananawagan sa atin.
Isang paraan din ng pakikinig sa tinig ng Diyos ay ang pagbabasa ng Bibliya o pakikinig sa mga nagpapahayag nito. Ugaliin sana natin na basahin at alamin ang Banal na Kasulatan. Ang aklat na ito ay tanda ng pagmamahal ng Diyos kaya palagi siyang nagsasalita sa atin. Buksan lang natin ang Bible at nandoon na ang Salita ng Diyos!
May plano ang Diyos sa bawat isa sa atin at may gusto ang Diyos na dapat nating gawin araw-araw. Pinapaalam niya ang kanyang plano. Nagsasalita siya sa atin. Pakinggan natin ang kanyang panawagan. Tuparin natin ang ating bokasyon, ang tawag niya sa atin.